Saturday, June 23, 2007

Sugal

Hindi ko alam kung dapat ko bang ikatuwa ang distansya natin sa isa’t isa.

Kung iisipin kasi, andyan ka lang. Nakakausap ko. Nakakasama ko. Minsan, pakiramdam ko, higit pa sa akala ko ang ugnayan natin — isang pangarap na kay tagal ko nang inaasam, na halos hindi ko malaman kung natupad ko ba, o matutupad pa. Masyado kang malapit na halos hindi na kita makita; malapit ka pero hindi ko maramdaman ang pintig ng iyong pulso, o marinig ang tibok ng iyong puso — basta, malapit ka lang.

Masarap bang maglaro nang walang ipinupusta?

Friday, June 15, 2007

Sa Kwarto Natin

(Galing dito ang larawan.)

madilim sa kwarto natin.
at di ko maiwasang titigan ang himbing mong mukha.
na bahagyang iniilawan ng liwanag sa siwang ng bintana.
… di ko maiwasang titigan ang iyong mukha at lumuha.
‘pagkat mamaya
sa bukang-liwayway ng aking buhay
ika’y lilisan upang tahakin ang normal na daloy
ng sarili mong buhay

mapangarapin tayo sa kwarto natin.
Sa kwartong nagpaubaya
upang ako’y maging iyo
at ika’y maging akin
Sa kwartong tumawa sa tuwi nating pagtawa
nakinig sa mga tagpong madrama
ngumiti sa bawat nating ligaya
At lumuha, lumuha sa bawat hagupit at pagdurusa

…marahil nakikiluha rin siya ngayon, tulad ko’y
nabubulaga’t sumusuko

‘pagkat hanggang ngayo’y madilim
pa rin sa kwarto natin
dahil ayaw mong magbukas ng ilaw at baka may makakita
takot ka sa liwanag ‘pagkat isang liwanag lang ang iyong tinatanaw

at mamaya, kung himbing ako sa ating higaan
sana’y gisingin mo ako bago ka lumisan.