Sunday, April 20, 2008

Pagal


Linggo. Wala kami sa bahay. Dumalaw kami sa bahay ng Lola ko sa Caloocan. Birthday niya, 89 years old. Natutuwa akong nakita siya, at malakas-lakas pa sa edad niya. Natutuwa ako sa pagkaabot niya ng ganung edad. Natutuwa ako sa kanya, nalulungkot ako para sa sarili ko. May mga tanong sa isip ko tungkol sa pagtanda. At pagkat malungkot na ako nitong mga nakaraang araw dahil na rin sa iba’t ibang mga pangyayari sa pamilya, kaibigan, at minamahal e binayo na ng sama ng loob ang dibdib ko.

Nung mga oras na yun, alam kong sa kabilang panig ng mundo ay may isang tanawing nagaganap na ayaw ko mang saksihan ay nanunuot naman sa diwa ko. Masakit.
Dahil ayaw kong ipahalata ang dinadala ko sa dibdib (o mas tamang sabihing walang dapat makahalata) kinuha ko yung bike ng pinsan ko na nakaparada sa gilid ng bahay namin. Pinaandar ko. Kailangan kong tigilan ang pag-iisip kaya ginawa kong busy ang katawan ko. Tuluy-tuloy ako sa pagmamaneho. Inuunahan ko yung mga sasakyang demotor sa kalsada. Binibilisan ko kahit pataas pa ang mga daan. Diri-diretso. Kailangang makalimot. Kailangang hindi makapag-isip.

Hanggang sa kinapos na ako ng hininga. Parang kulang ang hangin sa paligid para punuin ang baga ko.

Huminto ako sa lilim ng isang puno. Ibinagsak ko ang bike sa gilid saka ako sumalampak sa semento. Hingal ako nang hingal. Nung mga oras na iyon, di ko na alam kung nasa’n na ako. At alam kong matapos kong problemahin ang paghahabol sa hangin, habang kinukontrol ang sarili na huwag mag-collapse, ay iisipin ko naman kung pa’no ang daan pauwi. 

Uhaw ako. Kulang ako sa hangin. At nanunuot sa puso ko ang sama ng loob. Pawisan ako, at natagpuan ko na lang ang sarili ko na lumuluha. Yumuko ako at ipinatong ang ulo sa mga tuhod. Pasinghap-singhap ako sa paghahabol ng hininga.

Ilang sandali pa ay nahimasmasan ako. Nakabawi na. Muli akong sumakay ng bisekleta upang tuntunin ang daan pauwi. Naliligaw talaga ako. Pero hindi na bago yun. Matagal na akong nawawala, at naghahanap ng daan pabalik sa sarili ko. Nakakatakot ang maligaw, walang seguridad. Lalo pa kung mag-isa ka lang. Nakakalungkot. Hanap ka nang hanap ng hindi masumpungan.

Sa huli ay natunton ko rin ang daan pabalik. Pinaram ko ang lungkot sa mukha ko bago ako pumasok ng bahay. Nginitian ko silang lahat at pinamalita ang kabobohan ko.

Natunton ko ang daan pabalik ng bahay. Pero alam ko sa sarili kong naliligaw pa rin ako. Natatakot pa rin. Nalulungkot. Naghahanap.

Pagal…

Saturday, April 19, 2008

Kay Noli

(mula sa images.google ang larawan)

Sabi sa seminar na minsan kong dinaluhan, hindi nagiging “tula” ang isang tula dahil lang sa tugma. Ganito ang naiisip ko sa tulang ito. Hindi siguro kasinghusay ng sa iba. Maraming kulang na elemento. Wala namang buong sinabi, dahil maraming hindi sinabi. Pero, alay ito para sa akin. At ako, bilang pinag-alayan ay nakaaalam ng kwento sa likod ng tula.

Kung iisipin, sa pagitan naming dalawa, mas marami akong angal sa mundo. Kaya palagay ko, mas may sinabi ako kung ako ang magtatanong ng “Bakit Ganito sa Mundo?”

Sa kanya, na nag-alay ng tulang ito para sa akin, lagpas isang taon na ang nakaraan — Salamat! Kahit iba na sa kasalukuyan ang mga pangyayari, nasa magkabilang dulo man tayo ng lubid… kahit ngayong alam mo na ang kasagutan, nag-iba man ang mundo… hindi pa rin kita iiwan. Gaya ng pangako ko sa iyo. At pangako mo sa akin.
Minsan, dalaw ka na lang sa mundo ko.

Thursday, April 17, 2008

Olats

Naisip ko na yun. Inasahan ko na. Kumbaga, alam kong ganun naman talaga ang mangyayari. Pero tulad sa karaniwan, kapag nangyari na, kapag nasa harap mo na ang katotohanan, may sipa pa rin!
Bakit nga ba ang hirap tanggapin ng totoo? Nung sinabi niya yun sa akin kanina, naramdaman ko nang ito na. Sa unang bato niya pa lang ng salita, nahagingan na ako, at ramdam ko! Parang may apoy na bumalot sa puso ko. Na umabot sa labas ng katawan ko. Parang si Gouku kapag naka-super saiyan. Mainit naman talaga. Summer. Pero sa pakiramdam ko, hindi dulot ng klima yung init sa katawan ko. Kundi, sa damdaming ibig kumawala – na sinupil ko, para di mahalata.
Nung hindi na haging. Nung diretso na niyang ibinato, sapul na talaga. Ganito eksakto ang pakiramdam ko: parang nagging malamig na juice yung dugo sa loob ng puso ko. Tapos hinalo. Yung buong dibdib ko, parang hinuhukay.
Nagkwento siya. Pinakinggan ko. Nagpayo pa ako. Pero shit! Kahit alam ko naman sa sarili ko na bukal sa loob ko ang mga payong iyon, sumisigaw talaga ang damdamin ko. Nasasaktan ako. At gusto kong magmura! Magbibiro ako, tatawa. Pero putsa! Hindi lang yun ang dapat lumabas!
Sa paglalakad ko pauwi, lumalakbay pa rin ang isip ko. Nakatingin ako sa lupa, nakayuko. Yung dalawang kamay ko, nakapasok sa mga bulsa sa likod ng pantalon ko. Dumaan ako ng simbahan at nagdasal. Nangingilid ang luha sa mga mata ko. Hindi ako nagtitimpi, ayaw lang talaga tumulo.
Sa pagdating ko sa bahay, nakaharang sa pinto ang nanay ko. Gusto kong sumubsob sa mga balikat niya at umiyak. Gusto kong may makaalam na nasasaktan ako. Pero, hindi ko nagawa. Ang hirap nang sinasarili ang sakit ng damdamin. Dumiretso ako sa kwarto. Pigil ang paghikbi, ibinuhos ko ang luhang kanina pa nangingilid sa mga mata ko. Pero alam ko, hindi na lang iyon tungkol sa nalaman ko kanina. Mas iniiyakan ko yung pakiramdam na sinasarili ko lang yung sakit. Walang mapagsabihan. Walang maiyakan.
Masakit tanggapin ang katotohanan. Pero, nung mga oras na yun, mas nasasaktan ako dahil di ko maipatalos ang tunay kong nadarama.