Thursday, December 29, 2011

Berdugo

Noong panahon ng mga ninuno, ang mga pamayanan ay may mga berdugo. Tinatawag ang berdugong ito na bagani. Katulong siya ng datu sa pagtugis sa mga salot sa barangay. Katulong din siya sa pakikipaglaban sa mga katunggaling barangay. Tinitiyak niya ang kaligtasan ng datu at ng iba pang mga maharlika ng barangay.

Sa kasalukuyang panahon, uso pa rin ang berdugo. Isa sa kanila, tinutugis ngayon. Dahil kaiba sa mga berdugo noon, ang berdugong ito ay salot sa bayan. Naging katunggali niya ang mga mamamayang nasusuklam sa pinrutektahan niyang maharlika---ang pang-ulong binulok sa korupsyon ang halos lahat ng institusyon ng pamahalaan.

Dahil sa berdugong ito, maraming mga aktibista ang dinukot at nawawala. Hindi malaman kung buhay pa o patay na. Maraming mga pamilya rin ang naghahanap at umaasa.

Kailangan ang maagap na pagdakip sa berdugong ito. Ang berdugo ni Gloria. Si Gen. Jovito Palparan.



Ipataw ang katarungan para sa mga desaparecidos at sa kanilang mga pamilya!

Sundan ang balita rito.

Tuesday, December 27, 2011

Kumplikado

Balisa ang isip ko ngayon. Ramdam ko sa bawat tibok ng puso ko yung kaba.
Kagabi pa ako ganito. Ang totoo, hindi nga ako nakatulog nang maayos. Pagdating ko sa bahay, hindi ako makausap. Nagkukwento ako oo, pero hindi nagtatagal e bumabalik din ako agad sa pagkatulala. Nakatutok ako sa telebisyon pero tila tumatagos sa mga gumagalaw na tauhan ang paningin ko. Walang kahulugang rumerehistro sa isip ko mula sa mga binabanggit ng mga tauhan. Para bang ugong lang ang lahat.

Nagpasya na lang akong mahiga na sa kwarto. Dasal ako nang dasal, una na sana pagbigyan Niya yung hiling ko; pero nang ma-realize kong mas may tamang hiling, idinasal ko na lang na sana paglahuin Niya ang pag-asa na namumuo sa isip ko… na pakiramdam ko, habang tumatagal, lalong lumalaki; palaki nang palaki hanggang sa tila ba mas malaki na ito kaysa sa mga imahe ng matagal ko nang mga pangarap — na unti-unti nagiging mga takot. Bakit ba ang buhay, puno ng pag-asa at pangangarap? at mga takot?

Paulit-ulit, inusal kong sana maglaho ang pag-asa kong iyon. Nagmakaawa ako, nagsumamo. Hindi ako makatulog. Tumitig ako sa kisame. Itinuon ang paningin sa kapirasong bahagi ng isang mas malaki sanang mundo. Kung hindi ako makatulog, sana’y lumabas na lang ako ng kwarto at nakipagkwentuhan sa mga kapatid ko. Pero pinili kong mag-isa at magpakalunod sa kaiisip sa isang bagay na umpisa pa lang ay hindi naman para sa akin. Mas pinili kong maging miserable sa pagitan ng apat na dingding ng mundo kong parisukat. Kahon.

Unti-unti, humapdi ang mga mata ko. Pumatak ang mga luhang kanina ko pa tinitimpi. Nagsasalita ang isip ko. Bakit ba ako nawala sa isip niya? Anong nagawa kong mali? Bakit hindi naging patas? Saan na ako ngayon patungo? Bakit may matang tumititig at matang tumitingin? Ano ang basehan ng kanyang pasya?

… wala akong makuhang sagot.

Naisip ko, kakausapin ko siya bukas. Pero, nagsalita na ng mga gustong sabihin ang isip ko. At hindi na naman ako mapayapa. Para bang ayaw na niyang maghintay ng bukas. Ngayon na! Ngayon mo na sabihin! Pero walang paraan. Alangan namang puntahan ko siya sa bahay nila. Magtataka siya. Pero yun nga ang gusto kong maisip niya, ang isipin niya kung ano ang iniisip ko.

Buntung-hininga. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagpakawala ng malalalim na hugot ng hangin. Sinipat ko ang oras sa cellphone ko. 11:00 pm ang nakarehistro. At iyon ang huli kong naalala nang magising ako dahil sa ingay sa tabi ko. Iminulat ko ang mga mata ko. Nasa tabi ko na ang dalawa ko pang mga kapatid. At kung dangang nag-iingay. Gusto ko magalit sa kanila dahil ginising nila ang natutulog kong isip para muli na namang mag-isip… at hindi mapayapa. Pero hindi nila iyon maiintindihan. Kaya nagtimpi ako. Sinipat kong muli ang oras sa cellphone ko: 12:05AM.

Nagreplay ang lahat ng mga naisip ko bago ako nakatulog kanina. At pakiramdam ko, sumisikip ang isip ko. Parang hindi kasya ang mga laman gayong paulit-ulit lang naman ang sinasabi. Kailangan ko ng kausap; ng mapagsasabihan ng mga iniisip ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nagtext.

Hndi ako mk2log. Iniisip ko p rin ung knina. 


Hindi ako umasa ng reply. Tulog na siya.

Namaluktot ako sa pagkakahiga. Muling nagsalita ang isip ko – nakipag-usap sa isang taong hindi ko naman kasama. Malala. Pakiramdam ko, mababaliw ako. Nasa dibdib ko yung masidhing pagnanais na mailabas lahat ng nasa isip ko. At hindi na ako makapaghintay. Hindi kataka-takang naubos ang buong magdamag sa kaiisip ko sa bagay na yun. Kung may isang bagay akong gustong matutuhan, yun ay kung paano mabuhay sa kasalukuyan.

Bumangon ako ng alas-singko y medya. Kakaiba sa karaniwan. At pagtuntong ng paa ko sa lansangan, hindi naiba ang mundo. Para pa rin akong nakakahon sa apat na ding-ding ng aming kwarto.

Patapos na ang araw, pero hanggang ngayon balisa pa rin ang isip ko. Hindi ko alam kung kailan matatapos. O desisyon ko kung kailan tatapusin. Pero hinihiling ko pa rin na sana maganap. Pero sana mawala na sa isip ko ang pag-asa.

Paano ba mabuhay sa kasalukuyan?


(a repost from February 1, 2007 entry. Ewan. Halos ganito rin ang pakiramdam ko ngayon. Tinatamad lang sumulat ulit ng bagong entry. Hehe. Naisip ko, ganito pala talaga ang nakasanayan ng isip ko...)

Monday, December 26, 2011

Three-month Rule

I am afraid I will have to say goodbye to my Facebook account for now. See you Facebook friends after three months.

Thursday, December 22, 2011

Intrapersonal

Makailang ulit kitang kinakausap sa isip. Sa mga pagkakataong mag-isa, napakarami kong gustong sabihin. Pero kaya pang magkimkim ng puso ko.

Hindi na kailanman makararating ang mga ito sa iyo.

Tuesday, December 20, 2011

Elipses

Isang byahe tungo sa pagmamahal sa sarili...

(Mula rito ang larawan.)

Saturday, December 17, 2011

Ligaw

Hindi ko na nga alam kung ano pa ang inililigtas ko...

Friday, December 9, 2011

Walang Pamagat

lahat nang-iiwan
lahat lumilisan
kahit ang espiritung kumubkob sa akin
naglaho
sa kabila ng pagpigil
sabi ko'y huwag muna
hintayin mong kumawala
makahulagpos
sa indayog ng mga titik...

at tulad ng dati
ang mga mata ko'y nakatitig pa rin
sa mga bakas ng iyong mga paa
samantalang ang sa akin
nakatapak pa rin
sa lugar
kung
saan
tayo
naghiwalay...

Thursday, December 8, 2011

Next In Line

Sabi ng isang kaibigan, tulad ng istilo ni Murakami ang pagkasulat ng Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Calabia Samar. Nakakalungkot, pero di ko talaga matagalan si Murakami. Ewan. Kahit pa dalawa sa mga kakilala ko ang humaling na humaling sa pagsulat niya. Siguro kasi tingin ko ay mapalabok ang paraan niya ng pagkukwento. O baka sa kung saan-saan niya dinadala ang pagsasalaysay. Walang pokus pero meron.




Ngayong nagustuhan ko naman ang Walong Diwata, maaari ko na sigurong balikan muli ang mga libro ni Murakami. This time, sana maunawaan ko na. Sa anong libro niya kaya ako magsisimula?

Dito



o dito





O baka iba na lang...