Saturday, February 25, 2012

Palipas-Oras

Lagpas dalawang oras din akong tumambay mag-isa sa isang coffee shop sa Araneta Center, Cubao kanina. Nagpalipas lang ng pagod. Ipinahinga ang mga paa. Inilapat nang buong kapanatagan ang mga likod sa sandalan ng upuan. Relax lang habang iginagala ang isipan.

-000000-
Sabado ang araw ko sa buong linggo para sa sarili. Kanina, sinolo ko ang araw. Maghapon akong palakad-lakad lang sa Maynila. Dinaanan ko ang pinanggalingan kong unibersidad sa Sta. Mesa. Binagtas ko ang Recto. Binaybay ko ang Divisoria. Wala lang. Paglalakad ang sagot ko sa magulong isipan. Nakasanayan ko na ito. Isang therapy para sa akin. Sa tuwing naglalakad ako sa malalaking lansangan at minamasdan ang mga taong nadaraanan, nauunawaan kong mas malaki ang mundo kaysa sa anumang mga problema. Na hindi pala naka-sentro sa akin ang buhay. Na hindi lang ako ang sawi sa ibabaw ng lupa. Iba't ibang anyo ng kasawian ang nagsusumigaw sa harapan ko. At mas mahina na ang sigaw ng sariling kasawian. Mas maliit na ito sa hilera ng higit na malalaking problema. Unti-unti, naglalaho ang mga dahilan para ngumawa.

-000000-
Isang mabisang paraan daw para tapusin ang takot o sakit ng damdamin ay ang komprontahin ito nang harap-harapan.

Kaya nga sinubukan ko. Tinext kita at inayang makipagkita. Kahit alam kong kasama mo siya.  

Matapos ang lahat ng pag-iwas. Ng pagkakaila sa sarili. Ng hindi pag-amin. Ngayon kita haharapin. Bakit ba, e hindi mo naman alam kung ano ang nararamdaman ko. Kung ano ang nagtatago sa mga mata ko habang tinitingnan ko kayo noong mga oras na iyon. Habang may pagkailang ako sa mundo niyo. Bakit ba, e hindi mo naman alam.

Pero noong umalis kayo. Nang iwan niyo ako. Dinama ko rin ang sarili ko. Wala. Empty. Ang akala ko'y masasaktan ako. Akala ko'y maghihinanakit ako. O magagalit. O maaawa sa sarili. Pero wala. And yet I know that I was not okay.


This is alarming.

 -000000-
Bakit ba ganito rito sa Cubao? Parang may kung anong kabalintunaan. Dito lang sa pwesto ko, kay iingay ng mga katabi ko. Tawanan nang tawanan. Totoo bang masasaya sila? 

Parang iba ang mukhang ipinakikita ng Cubao. Pusturang-pustura ang lugar, pero narito ang pinakamaraming sugat sa lipunan. 

Narito ang mga pinakamalulungkot na nilalang. Ang mga pinakabigo. Ang mga pinakasawi. 


Alam ko yun. Dahil naroon ako.


(Yay! Emotero!)

-000000-


"Do you know why you are afraid when you are alone? I do... I do..." - Vincent Grey


000000-

Saturday, February 11, 2012

Sa Aking "Chronicle"

Marami rin siguro ang naka-relate kay Andrew. Siya na madalas ay mag-isa. Walang kaibigan. Ni hindi pa kailanman nagkaron ng karelasyon o makakatuwang sa buhay. Karaniwang napagkakaisahan---sa unibersidad kung saan siya napagti-tripan ng mga bully ng kampus at maging sa sariling tahanan kung saan pang-araw-araw na sitwasyon na ng buhay niya ang mabulyawan at mabugbog ng sariling ama. Paano ngayon mabubuo sa sarili niya ang tiwala? Kung mismong ang natatangi niyang kakampi, ang kanyang ina, ay may sakit na kanser at mas mahina pa sa kanya. Kung mismong siya ay wala ring lakas para maipagtanggol kahit na ang sarili.

Hindi siya masisisi kung isang araw, matatagpuan natin siya na bumubuo ng sariling mundo. Isang mundong susubukan niyang angkinin gamit ang isang video cam. Na siyang magiging katuwang niya sa mga panahon ng pag-iisa, tagapag-tala ng mga kalungkutan at pangarap sa buhay. Na isang araw ay siya ring magiging saksi kung paano niya mas makikilala ang natatangi niyang kalakasan. Sa araw na iyon kung kailan natuklasan niya, kasama ang isang pinsan at isang accidental friend, ang isang malalim na butas. Dito niya matutuklasan ang naiibang kapangyarihan. Sa pamamagitan nito ay matutuklasan niya ang ligayang dulot ng pakikipagkapwa. Matapos nito ay mabubuo niya ang tiwala sa sarili. Matapos nito ay mawawasak rin niya ang sarili. Sapagkat hindi pa rin pala niya kilala ang sarili. Dito natin mapapatunayan na ang lakas ng katawan at isipan ay hindi mabubuo kung walang lakas ng damdamin o ng emosyon.

Ang kwento ni Andrew ay kwento ko rin, na maaaring kwento mo rin. Kaya't ilang minuto nang tapos ang pelikula ay nakatulala pa rin ako sa sinehan. Habang naglalabasan na ang mga tao ay nakaupo pa rin ako. Nag-iisip. Ganito rin ba ang magiging katapusan ko? Paano nga ba ako matatapos?

Chronicle

_________
Chronicle. A film by Josh Trank and story by Josh Trank and Max Landis. Starring Dane BeHaan (Andrew), Michael B. Jordan (Steve, ang accidental friend), and Alex Russel (Matt, ang pinsan).