Sunday, May 27, 2012

Pilat

Matagal din akong hindi nakapagsulat sa blog na ito. Kinakain ng trabaho ang malaking oras ng buhay ko. It's not an excuse, of course. Sayang ang mga karanasang hindi ko naisa-titik. 

Hindi ko, halimbawa, nasabing nagsimula na ako sa "pamumulot ng mga piraso". Maingat ko nang sininop sa kahon ang bawat bahagi kong nabasag. Alam kong sa mga susunod na araw ay isa-isa kong maibabalik ang mga ito sa kanilang kinalalagyan. Mabubuo muli ako.

Ipininid ko na ang pinto ng kwartong iniwan kong nakabukas sa pag-aakalang may magbabalik. Nagligpit na ako ng mga kalat. Iniunat ko ang mga iniwan niyang lukot sa kubre-kama. Winalis ang sahig at tinanggal ang mga bakas ng paa. Pinunasan ko ang mantsa ng labi sa mga baso at kutsara. Pinatay ko ang ilaw;  hindi maglalaon ay sisilip din ang liwanag ng araw.

Husto na ang paghihintay. Dahil ang bawat panahon ay panahon ng pagkilos, ng paghahanda. Upang sa sandaling muling magsabwatan ang kalikasan para sa aking kaligayahan, hindi na ako mabibigla.

Anumang sakit ng damdamin ay naglalaho rin. Sa tamang panahon. Sabi nga ni Ildefonso Santos sa kanyang tulang Sa Tabi ng Dagat, "Lahat ay naaagnas ding marahang-marahan."

Sa ngayon, patuloy lang sa pagsulat. Dahil

"napaghihilom ng panulat ang mga pilat sa gunita."