Kinukulang ako
sa oras ng tulog nitong nakaraang mga araw---on the everage, nasa limang
oras lang sa bawat gabi. Suwerte pa ako nito dahil may kakilala akong madalas
na dalawang oras lang ang tulog bago pumasok sa opisina sa araw-araw.
Malaki raw ang
epekto sa tao kapag kulang sa tulog. Ayon sa WebMD, pinapupurol nito ang
memorya at liksi ng pag-iisip. Marami ring mga aksidente sa mga kalsada,
pagawaan, at opisina ay nangyayari dahil sa labis na antok. Kung maging madalas
at malala ang kakulangan sa tulog, mapalalapit ka rin sa malulubhang
karamdaman.
Personal kong naranasan ang epekto ng kakulangan sa tulog isang gabing sakay
ako sa tren pauwi galing sa opisina. Nakatayo ako nu’n at nakakapit sa safety
handrail. Pumikit lang ako. Sabi ko, ipapahinga ko lang ang mga mata ko. Pero
ilang segundo lang ay nagpaubaya ang katawan ko sa antok. Huli na nang
magkaro’n ako ng ulirat---tumiklop na ang mga tuhod ko, lumuwang na ang kapit
ko sa handrail, at pinulot ko na lang ang sarili sa sahig ng bagon. You
loose!
----0000----
Antok ang
madalas kalaban ng mga manggagawang tulad ko. Kaya bawat pagkakataong puwedeng
umidlip, pinapatos namin. Tulad sa biyahe.
Sa araw-araw na
pagtitren ko, pansin kong halos lahat ng nakakaupo ay pumipikit para umidlip. May mga
pagkakataong sa balikat ng katabi pa sila hihilig, kahit di naman sila
magkakilala. Maunawain ako kapag ganun. Isang beses, isang sa tantiya ko’y
construction worker ang napahilig sa balikat ko habang natutulog sa biyahe.
Hinayaan ko lang siya. Sweet!
Gets ko ang araw-araw niyang laban.
----0000----
Sangkatlo (⅓)
raw ng kabuuang buhay ng tao ay inuubos niya sa pagtulog. Kaya kung sa tingin
mo e aabot ka ng 75 taon dito sa mundo, 25 taon dito ay ginugugol mo sa
pagtulog. DALAWAMPU’T LIMANG TAON! Di ba yun nakahihinayang?
Kaya mapapaisip
ka rin: Bakit ba kailangan nating matulog?
Sa paghahanap ng
sagot, napunta ako sa livescience.com. Sabi rito, malinaw ang dahilan
kung bakit natin kailangang kumain o makipag-sex. Pero medyo nakakahiya raw
amining malabo ang dahilan ng pangangailangan nating matulog. Ang totoo, delikado
nga raw ang lagay natin kapag tulog, bilang nakahain tayo sa panganib sa ating
paligid nang walang kalaban-laban.
Puro teorya lang daw ang meron tungkol sa dahilan ng pagtulog. Isa rito ay
nagsasabing ang pagtulog ay paraan ng utak para ibalik ang kaayusan sa ating
kabuuan.
Kaya ba kapag buhol-buhol na ang lagay ng buhay e hinahanap ng katawan natin
ang mahabang-mahabang tulog?
----0000----
Sa nobelang Pet
Sematary ni Stephen King, inihambing niya ang pagtulog sa akto ng paglusong
sa swimming pool---madali ang lumubog, mahirap ang umahon. Kaya may mga
sandaling sa gitna ng pagtulog, nagbubukas ang diwa mo'y hindi mo naman
maigalaw ang anomang bahagi ng iyong katawan, ni maibuka ang iyong bibig o
mapaghiwalay ang mga talukap ng iyong mga mata.
Sa ganitong mga
pagkakataon, nakakaramdam ka ng takot. Bangungot.
Sa ganito ko ipapasok ang punto ng artikulo na ‘to:
Walong taon nang
natutulog ang blog na ‘to. Sa pagitan ng mga taong 2012 at 2020 ay
sinusubukan kong gumising. Magsulat muli. Nagsusulat muli. Pero hindi ko
inilalathala. Ang hirap bumalik. Ang hirap gumising.
Sa hinaba-haba,
gusto ko lang talagang sabihin: Panahon na para gumising. Tapos na ang mga
pag-uunat. Oras na para bumangon.
----0000----
Sa pagitan ng
alas-4 n.u. hanggang alas-5 n.u. ako pinakamahina. Ito ang oras ng pagbangon ko
sa bawat araw, mga sandaling nakapaibabaw pa ang subconscious mind ko.
Sa mga oras na 'to, hindi sadya, hindi kontrolado, pumapailanlang talaga sa
isip ko ang mga alaala mo, o ang idea ng ikaw. At ng ako.
Sa mga ganitong mga sandali ako pinakamahina. Dahil naisasawalang-halaga sa mga
oras na ito ang lahat ng pagsisikap at katatagan kong itaboy ka sa isip ko.
Wala akong laban
sa pag-ilanlang ng lungkot dahil sa pangungulila. At sa simula ng araw pa man
din!
----0000----
Pero hindi sapat
na gising lang ang tao. Dapat ay mulat siya.
Sa mga oras na
isinusulat ko 'to, may dalawang biglang sumulpot na kaso ng COVID-19 sa
Pilipinas. Bigla---dahil noong nakaraang linggo lang, kinilala pa ng World
Health Organization ang estado ng epidemyang ito sa Pilipinas---na nagawa raw
ng bansa na i-contain ang virus, patunay ang kawalan ng bagong kaso mula yung
pinakahuli lagpas isang buwan na ang nakaraan. Sa kabila ito ng malalang
pagkalat ng sakit sa iba't ibang panig ng mundo, maliban nga raw sa Pilipinas.
Sa paibabaw, magandang achievement ito ng bansa. Pero sa pagsulpot ng mga bagong
kaso, mapapaisip ka rin kung bakit nga naman bigla. Lalo't ang isa sa bagong
kaso ay wala namang travel history abroad. Ibig sabihin, nakuha niya ang virus
dito, sa lupa natin. E ano't sinasabing na-contain ang sakit?
Dalawa lang ang maaaring dahilan nito---una, incompetent ang pamahalaan sa
maagap na pagtukoy sa pagkalat ng sakit. At ikalawa, sinusubok ng sinoman na
kontrolin ang impormasyon.
Kaya hindi sapat na gising lang. Lalo sa panahong sinusubukang bulagin tayo ng
mga maling impormasyon.
Mahalaga. Na tayo. Ay mulat din.
----0000----
Hanggang sa
susunod na artikulo!