Monday, January 23, 2012

Sa Tamang Panahon

May kung anong hapdi ang dulot ng dampi ng hangin kagabi. Pero sigurado akong hindi iyon tungkol sa iyo. Kahit pa alam kong sa kabilang panig, sa parehong mga oras, ay masaya ka sa piling niya. Pinakawalan na kita. O mas tamang sabihing, hindi na ako lumaban pa. Isinuko ko na ang pag-asa.

Kahit noong mismong gabi na masinsinan tayong nag-usap, habang sinusundan ng mga mata natin ang mga gumagalaw na ulap sa maitim na langit. Kahit noon, alam kong bibitiw na ako sa iyo. Bagama't hindi pa handa ang sistema ko. Kaya matapos nun, hindi ko kinilala ang sakit. Kaya nga hindi ako nagsulat o nakapagsulat ng tungkol sa kwentong iyon sa loob ng ilang linggo. Kahit ngayon, hindi ko pa rin kaya. Pilit kong isinasa-isantabi ang damdamin, walang-humpay man itong nagpapapansin. Inaayawan ko. Ibinabaling ang isipin sa iba. Dahil ayaw kong bigyang-puwang.

Binitiwan na kita. Tama na.

Kaya nga kagabi, habang binubuklat-buklat ko ang mga pahina ng binabasang aklat. Napansin ko ang mga salitang inialay sa akin ng may-akda.

"Huwag matakot mahati. Naroon ang pagkabuo."
  
Kung may pagkakataon, gusto kong sabihin: Hindi lang po ako hati. Pira-piraso ako. At hindi pa ako handang mamulot ng bawat butil para simulan ang muling pagbuo. Tititigan ko muna ang mga pirasong nabasag.

Hanggang sa dumating ang araw.

Saka na ang pagsisinop ng bawat bahaging nagkalat.

No comments: