Saturday, March 7, 2020

Gising Na!

Kinukulang ako sa oras ng tulog nitong nakaraang mga araw---on the everage, nasa limang oras lang sa bawat gabi. Suwerte pa ako nito dahil may kakilala akong madalas na dalawang oras lang ang tulog bago pumasok sa opisina sa araw-araw.

Malaki raw ang epekto sa tao kapag kulang sa tulog. Ayon sa WebMD, pinapupurol nito ang memorya at liksi ng pag-iisip. Marami ring mga aksidente sa mga kalsada, pagawaan, at opisina ay nangyayari dahil sa labis na antok. Kung maging madalas at malala ang kakulangan sa tulog, mapalalapit ka rin sa malulubhang karamdaman.


Personal kong naranasan ang epekto ng kakulangan sa tulog isang gabing sakay ako sa tren pauwi galing sa opisina. Nakatayo ako nu’n at nakakapit sa safety handrail. Pumikit lang ako. Sabi ko, ipapahinga ko lang ang mga mata ko. Pero ilang segundo lang ay nagpaubaya ang katawan ko sa antok. Huli na nang magkaro’n ako ng ulirat---tumiklop na ang mga tuhod ko, lumuwang na ang kapit ko sa handrail, at pinulot ko na lang ang sarili sa sahig ng bagon. You loose!


----0000----
Antok ang madalas kalaban ng mga manggagawang tulad ko. Kaya bawat pagkakataong puwedeng umidlip, pinapatos namin. Tulad sa biyahe.

Sa araw-araw na pagtitren ko, pansin kong halos lahat ng nakakaupo ay pumipikit para umidlip. May mga pagkakataong sa balikat ng katabi pa sila hihilig, kahit di naman sila magkakilala. Maunawain ako kapag ganun. Isang beses, isang sa tantiya ko’y construction worker ang napahilig sa balikat ko habang natutulog sa biyahe. Hinayaan ko lang siya. Sweet!


Gets ko ang araw-araw niyang laban.


----0000----
Sangkatlo (⅓) raw ng kabuuang buhay ng tao ay inuubos niya sa pagtulog. Kaya kung sa tingin mo e aabot ka ng 75 taon dito sa mundo, 25 taon dito ay ginugugol mo sa pagtulog. DALAWAMPU’T LIMANG TAON! Di ba yun nakahihinayang?

Kaya mapapaisip ka rin: Bakit ba kailangan nating matulog?

Sa paghahanap ng sagot, napunta ako sa livescience.com. Sabi rito, malinaw ang dahilan kung bakit natin kailangang kumain o makipag-sex. Pero medyo nakakahiya raw amining malabo ang dahilan ng pangangailangan nating matulog. Ang totoo, delikado nga raw ang lagay natin kapag tulog, bilang nakahain tayo sa panganib sa ating paligid nang walang kalaban-laban.


Puro teorya lang daw ang meron tungkol sa dahilan ng pagtulog. Isa rito ay nagsasabing ang pagtulog ay paraan ng utak para ibalik ang kaayusan sa ating kabuuan.



Kaya ba kapag buhol-buhol na ang lagay ng buhay e hinahanap ng katawan natin ang mahabang-mahabang tulog?


----0000----
Sa nobelang Pet Sematary ni Stephen King, inihambing niya ang pagtulog sa akto ng paglusong sa swimming pool---madali ang lumubog, mahirap ang umahon. Kaya may mga sandaling sa gitna ng pagtulog, nagbubukas ang diwa mo'y hindi mo naman maigalaw ang anomang bahagi ng iyong katawan, ni maibuka ang iyong bibig o mapaghiwalay ang mga talukap ng iyong mga mata.

Sa ganitong mga pagkakataon, nakakaramdam ka ng takot. Bangungot.


Sa ganito ko ipapasok ang punto ng artikulo na ‘to:


Walong taon nang natutulog ang blog na ‘to. Sa pagitan ng mga taong 2012 at 2020 ay sinusubukan kong gumising. Magsulat muli. Nagsusulat muli. Pero hindi ko inilalathala. Ang hirap bumalik. Ang hirap gumising.

Sa hinaba-haba, gusto ko lang talagang sabihin: Panahon na para gumising. Tapos na ang mga pag-uunat. Oras na para bumangon.

----0000----
Sa pagitan ng alas-4 n.u. hanggang alas-5 n.u. ako pinakamahina. Ito ang oras ng pagbangon ko sa bawat araw, mga sandaling nakapaibabaw pa ang subconscious mind ko.


Sa mga oras na 'to, hindi sadya, hindi kontrolado, pumapailanlang talaga sa isip ko ang mga alaala mo, o ang idea ng ikaw. At ng ako.



Sa mga ganitong mga sandali ako pinakamahina. Dahil naisasawalang-halaga sa mga oras na ito ang lahat ng pagsisikap at katatagan kong itaboy ka sa isip ko.


Wala akong laban sa pag-ilanlang ng lungkot dahil sa pangungulila. At sa simula ng araw pa man din!

----0000----
Pero hindi sapat na gising lang ang tao. Dapat ay mulat siya.

Sa mga oras na isinusulat ko 'to, may dalawang biglang sumulpot na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Bigla---dahil noong nakaraang linggo lang, kinilala pa ng World Health Organization ang estado ng epidemyang ito sa Pilipinas---na nagawa raw ng bansa na i-contain ang virus, patunay ang kawalan ng bagong kaso mula yung pinakahuli lagpas isang buwan na ang nakaraan. Sa kabila ito ng malalang pagkalat ng sakit sa iba't ibang panig ng mundo, maliban nga raw sa Pilipinas.


Sa paibabaw, magandang achievement ito ng bansa. Pero sa pagsulpot ng mga bagong kaso, mapapaisip ka rin kung bakit nga naman bigla. Lalo't ang isa sa bagong kaso ay wala namang travel history abroad. Ibig sabihin, nakuha niya ang virus dito, sa lupa natin. E ano't sinasabing na-contain ang sakit?



Dalawa lang ang maaaring dahilan nito---una, incompetent ang pamahalaan sa maagap na pagtukoy sa pagkalat ng sakit. At ikalawa, sinusubok ng sinoman na kontrolin ang impormasyon.



Kaya hindi sapat na gising lang. Lalo sa panahong sinusubukang bulagin tayo ng mga maling impormasyon.



Mahalaga. Na tayo. Ay mulat din.


----0000----
Hanggang sa susunod na artikulo!

Tuesday, June 12, 2012

Lipad!

"Ang maganda sa kalayaan, hindi ito nakukuha sa iyo nang hindi mo pinapayagan."


Galing dito ang larawan.

Sunday, May 27, 2012

Pilat

Matagal din akong hindi nakapagsulat sa blog na ito. Kinakain ng trabaho ang malaking oras ng buhay ko. It's not an excuse, of course. Sayang ang mga karanasang hindi ko naisa-titik. 

Hindi ko, halimbawa, nasabing nagsimula na ako sa "pamumulot ng mga piraso". Maingat ko nang sininop sa kahon ang bawat bahagi kong nabasag. Alam kong sa mga susunod na araw ay isa-isa kong maibabalik ang mga ito sa kanilang kinalalagyan. Mabubuo muli ako.

Ipininid ko na ang pinto ng kwartong iniwan kong nakabukas sa pag-aakalang may magbabalik. Nagligpit na ako ng mga kalat. Iniunat ko ang mga iniwan niyang lukot sa kubre-kama. Winalis ang sahig at tinanggal ang mga bakas ng paa. Pinunasan ko ang mantsa ng labi sa mga baso at kutsara. Pinatay ko ang ilaw;  hindi maglalaon ay sisilip din ang liwanag ng araw.

Husto na ang paghihintay. Dahil ang bawat panahon ay panahon ng pagkilos, ng paghahanda. Upang sa sandaling muling magsabwatan ang kalikasan para sa aking kaligayahan, hindi na ako mabibigla.

Anumang sakit ng damdamin ay naglalaho rin. Sa tamang panahon. Sabi nga ni Ildefonso Santos sa kanyang tulang Sa Tabi ng Dagat, "Lahat ay naaagnas ding marahang-marahan."

Sa ngayon, patuloy lang sa pagsulat. Dahil

"napaghihilom ng panulat ang mga pilat sa gunita."




Wednesday, March 7, 2012

Bigwas


Mula rito ang larawan.

Natagpuan ko ang sarili kong nakatulala kanina. Isip ako nang isip kung paano ko isisiksik sa nalalabing dalawang araw ng linggo ang pag-aayos ng manuskritong gawa ng isang mediocre writer. Pasensya na kung may tunog ng panlalait ang nauna kong pangungusap.

Sobrang nakaaasar lang talaga. Nakababaliw kasing isipin kung paano mo gagawing libro ang isang manuskritong bawat pahina ay punong-puno ng problema ang pagkakasulat. Humahapdi na ang mga mata ko sa kababasa ng mga manuskritong binabali-baliktad para maiayos. Mas malala pa ang problema kung walang maibaliktad kaya kailangan mo pang magsulat sa halip na mag-edit lang. Halos hindi ko na maigalaw ang mga daliri ko sa kata-type ng mga talatang ang awtor sana ang nagsulat.

Kaya ngayon, gusto kong sabihin: Kapag nangarap kang makapaglathala ng librong ipapangalan sa iyo, una sa lahat, dapat ay manunulat ka, o kahit man lang sana ay nangarap ka munang maging manunulat at pinaghusay mo ang sarili mo para magawa iyon. Hindi ka nangangarap ngayon lang at bukas sa paggising ay manunulat ka na agad. Alam mo rin sana kahit man lang ang basic grammar rules at sentence construction.

Hindi junk shop ang isang publishing house. Mga editor ang nakikita rito at hindi mga basurero.

Kung ikaw ang awtor ko at naligaw ka sa blog na ito, salamat naman dahil umabot din sa iyo ang bigwas ko.

Friday, March 2, 2012

Tadyang

Ang buwan ng Marso ay Buwan ng mga Kababaihan. At ganito sinimulan ang selebrasyon kahapon.

Mula sa ABS-CBN news ang larawan.

Nakalimutan yata ni PNoy.




May balita rito.

Saturday, February 25, 2012

Palipas-Oras

Lagpas dalawang oras din akong tumambay mag-isa sa isang coffee shop sa Araneta Center, Cubao kanina. Nagpalipas lang ng pagod. Ipinahinga ang mga paa. Inilapat nang buong kapanatagan ang mga likod sa sandalan ng upuan. Relax lang habang iginagala ang isipan.

-000000-
Sabado ang araw ko sa buong linggo para sa sarili. Kanina, sinolo ko ang araw. Maghapon akong palakad-lakad lang sa Maynila. Dinaanan ko ang pinanggalingan kong unibersidad sa Sta. Mesa. Binagtas ko ang Recto. Binaybay ko ang Divisoria. Wala lang. Paglalakad ang sagot ko sa magulong isipan. Nakasanayan ko na ito. Isang therapy para sa akin. Sa tuwing naglalakad ako sa malalaking lansangan at minamasdan ang mga taong nadaraanan, nauunawaan kong mas malaki ang mundo kaysa sa anumang mga problema. Na hindi pala naka-sentro sa akin ang buhay. Na hindi lang ako ang sawi sa ibabaw ng lupa. Iba't ibang anyo ng kasawian ang nagsusumigaw sa harapan ko. At mas mahina na ang sigaw ng sariling kasawian. Mas maliit na ito sa hilera ng higit na malalaking problema. Unti-unti, naglalaho ang mga dahilan para ngumawa.

-000000-
Isang mabisang paraan daw para tapusin ang takot o sakit ng damdamin ay ang komprontahin ito nang harap-harapan.

Kaya nga sinubukan ko. Tinext kita at inayang makipagkita. Kahit alam kong kasama mo siya.  

Matapos ang lahat ng pag-iwas. Ng pagkakaila sa sarili. Ng hindi pag-amin. Ngayon kita haharapin. Bakit ba, e hindi mo naman alam kung ano ang nararamdaman ko. Kung ano ang nagtatago sa mga mata ko habang tinitingnan ko kayo noong mga oras na iyon. Habang may pagkailang ako sa mundo niyo. Bakit ba, e hindi mo naman alam.

Pero noong umalis kayo. Nang iwan niyo ako. Dinama ko rin ang sarili ko. Wala. Empty. Ang akala ko'y masasaktan ako. Akala ko'y maghihinanakit ako. O magagalit. O maaawa sa sarili. Pero wala. And yet I know that I was not okay.


This is alarming.

 -000000-
Bakit ba ganito rito sa Cubao? Parang may kung anong kabalintunaan. Dito lang sa pwesto ko, kay iingay ng mga katabi ko. Tawanan nang tawanan. Totoo bang masasaya sila? 

Parang iba ang mukhang ipinakikita ng Cubao. Pusturang-pustura ang lugar, pero narito ang pinakamaraming sugat sa lipunan. 

Narito ang mga pinakamalulungkot na nilalang. Ang mga pinakabigo. Ang mga pinakasawi. 


Alam ko yun. Dahil naroon ako.


(Yay! Emotero!)

-000000-


"Do you know why you are afraid when you are alone? I do... I do..." - Vincent Grey


000000-

Saturday, February 11, 2012

Sa Aking "Chronicle"

Marami rin siguro ang naka-relate kay Andrew. Siya na madalas ay mag-isa. Walang kaibigan. Ni hindi pa kailanman nagkaron ng karelasyon o makakatuwang sa buhay. Karaniwang napagkakaisahan---sa unibersidad kung saan siya napagti-tripan ng mga bully ng kampus at maging sa sariling tahanan kung saan pang-araw-araw na sitwasyon na ng buhay niya ang mabulyawan at mabugbog ng sariling ama. Paano ngayon mabubuo sa sarili niya ang tiwala? Kung mismong ang natatangi niyang kakampi, ang kanyang ina, ay may sakit na kanser at mas mahina pa sa kanya. Kung mismong siya ay wala ring lakas para maipagtanggol kahit na ang sarili.

Hindi siya masisisi kung isang araw, matatagpuan natin siya na bumubuo ng sariling mundo. Isang mundong susubukan niyang angkinin gamit ang isang video cam. Na siyang magiging katuwang niya sa mga panahon ng pag-iisa, tagapag-tala ng mga kalungkutan at pangarap sa buhay. Na isang araw ay siya ring magiging saksi kung paano niya mas makikilala ang natatangi niyang kalakasan. Sa araw na iyon kung kailan natuklasan niya, kasama ang isang pinsan at isang accidental friend, ang isang malalim na butas. Dito niya matutuklasan ang naiibang kapangyarihan. Sa pamamagitan nito ay matutuklasan niya ang ligayang dulot ng pakikipagkapwa. Matapos nito ay mabubuo niya ang tiwala sa sarili. Matapos nito ay mawawasak rin niya ang sarili. Sapagkat hindi pa rin pala niya kilala ang sarili. Dito natin mapapatunayan na ang lakas ng katawan at isipan ay hindi mabubuo kung walang lakas ng damdamin o ng emosyon.

Ang kwento ni Andrew ay kwento ko rin, na maaaring kwento mo rin. Kaya't ilang minuto nang tapos ang pelikula ay nakatulala pa rin ako sa sinehan. Habang naglalabasan na ang mga tao ay nakaupo pa rin ako. Nag-iisip. Ganito rin ba ang magiging katapusan ko? Paano nga ba ako matatapos?

Chronicle

_________
Chronicle. A film by Josh Trank and story by Josh Trank and Max Landis. Starring Dane BeHaan (Andrew), Michael B. Jordan (Steve, ang accidental friend), and Alex Russel (Matt, ang pinsan).

Tuesday, January 24, 2012

Paghihintay

Tiyaga lang. Dahil...

nangyayari ang bawat bagay ayon sa sarili nitong kahandaan.

Dito galing ang larawan.

Monday, January 23, 2012

Sa Tamang Panahon

May kung anong hapdi ang dulot ng dampi ng hangin kagabi. Pero sigurado akong hindi iyon tungkol sa iyo. Kahit pa alam kong sa kabilang panig, sa parehong mga oras, ay masaya ka sa piling niya. Pinakawalan na kita. O mas tamang sabihing, hindi na ako lumaban pa. Isinuko ko na ang pag-asa.

Kahit noong mismong gabi na masinsinan tayong nag-usap, habang sinusundan ng mga mata natin ang mga gumagalaw na ulap sa maitim na langit. Kahit noon, alam kong bibitiw na ako sa iyo. Bagama't hindi pa handa ang sistema ko. Kaya matapos nun, hindi ko kinilala ang sakit. Kaya nga hindi ako nagsulat o nakapagsulat ng tungkol sa kwentong iyon sa loob ng ilang linggo. Kahit ngayon, hindi ko pa rin kaya. Pilit kong isinasa-isantabi ang damdamin, walang-humpay man itong nagpapapansin. Inaayawan ko. Ibinabaling ang isipin sa iba. Dahil ayaw kong bigyang-puwang.

Binitiwan na kita. Tama na.

Kaya nga kagabi, habang binubuklat-buklat ko ang mga pahina ng binabasang aklat. Napansin ko ang mga salitang inialay sa akin ng may-akda.

"Huwag matakot mahati. Naroon ang pagkabuo."
  
Kung may pagkakataon, gusto kong sabihin: Hindi lang po ako hati. Pira-piraso ako. At hindi pa ako handang mamulot ng bawat butil para simulan ang muling pagbuo. Tititigan ko muna ang mga pirasong nabasag.

Hanggang sa dumating ang araw.

Saka na ang pagsisinop ng bawat bahaging nagkalat.

Saturday, January 21, 2012

My Winnings





These are my prizes for winning second prize in the Si Tatang Christmas Promo, which happened last December 2011. I already have a copy of "Si Tatang", a collection of Sir Ricky's literary works. So, I think I will have to share this book to someone.

"Pitik-bulag sa Buwan ng Pebrero" is Sir Ricky's first published play. There is no copy of this book in the market today. I'm so lucky to have it!

If you would like to know the answers for the excerpts in the contest, just click here.

Samantala, ako ay magbabasa muna...

Saturday, January 14, 2012

Friday, January 6, 2012

Wagi!

I won second prize in the Tatang Ricky Lee's Christmas promo game.


Congrats sa akin! Hehe. May chance na akong makitang muli si Tatang. At sana, hindi na ako ma-struck this time. Gusto kong makipagkwentuhan.


Wednesday, January 4, 2012

Sulong

Dito galing ang larawan.


Lilipas din ang lahat. Maging ang pinakamasaklap na sandali. At walang bagay na hindi nakakasanayan. Kahit pa mga paulit-ulit na pagdaramdam.

Manhid.


Sunday, January 1, 2012

Kontes: Tatang Christmas Promo Game

Sir Ricky Lee
Marami sa atin ang nakakikilala kay Ricky Lee bilang pangunahing tao sa likod ng mga kwentong isinusulat para sa mga programa sa telebisyon at iba pang mga pampelikulang organisasyon. Siya ang utak sa likod ng natatanging mga pelikula tulad ng Anak (2000), Moral (1982), at Muro-Ami (1999). Siya rin ang screenwriter ng Himala (1982), ang kinilalang "Best Asian Film of All Time" ng CNN noong 2008.

Nitong huling bahagi ng Nobyembre, inilunsad niya ang kanyang ikalawang nobela (ang una ay ang Para Kay B at Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin), ang Si Amapola sa 65 na Kabanata. Kasunod ng release nito, isang promo ang inilunsad para sa mga masugid niyang mambabasa---ang Tatang Christmas Promo. Ayon sa mechanics, magbibigay ang mga organizer ng mga excerpt galing sa iba't ibang akda ni Tatang Ricky Lee. Kailangan namang tukuyin kung saang akda nagmula ang mga excerpt. Inilabas ang mga excerpt sa mga araw mula December 15 hanggang 27, 2011. Ang premyo?

  •  Special edition ng Si Tatang at Mga Himala ng Ating Panahon at Pitik Bulag sa Buwan ng Pebrero
  • Limited edition Tatang shirts, mugs, at Amapola65 perfume
  • Tsansang makita si Ricky Lee in flesh
May mga consolation prizes din!

Narito ang mga excerpt na kailangang tukuyin ang pinagmulan. 13 out of 15 ang natukoy ko. Ang dalawa, hinulaan ko lang. Alas-12 ng tanghali ng January 2, 2012 ang simula ng pasahan ng entri na matatapos naman ng alas-12 ng tanghali kinabukasan.

Excerpt #1
"Dahil hindi mo puwedeng mahalin ang isang tao nang hindi mo minamahal ang hilaga, silangan, timog at kanluran ng kanyang mga paniniwala. Kapag nagmahal ka’y dapat mong tanggapin bawat letra ng kanyang birth certificate. Kasama na doon ang kanyang libag, utot at bad breath. Pero me limit. Pantay-pantay ang ibinibigay na karapatan sa lahat ng tao upang lumigaya, o masaktan, o magpakagago, pero kapag sumara na ang mga pinto, nawasak na ang mga puso, nawala ang mga kaluluwa at ang bilang ay umabot na sa zero, goodbye na."

Excerpt #2
"Hindi naituturo ang pagsusulat. Buhay ang gagawa noon."

Excerpt #3
MONICA: Let's change the topic na.
CYNTHIA: Anong let's change the topic na? (ilalabas ang ulo sa kotse at sisigaw). Suso! Suso! Suso kayo riyan!

Excerpt #4
JOEY: (Inieksamin ang briefs) Malalaman mo daw ang personality ng lalaki pag tiningnan mo ang briefs niya.
MAGGIE: Kalokohan.
JOEY: Oo. Pag gusto daw ng lalaki’y briefs na masikip na masikip, ibig sabihi’y insecure siya. Pag gusto naman niya’y maluwang, ibig sabihi’y tamad. Pag gusto daw lahat ay iisang kulay, lalo na kung puti, ‘yung mga ‘yan, ang hinahanap ay babaing birhen. (hahagikhik) Pero faithful naman. Ang di faithful ay ‘yung mga briefs na technicolor.

Excerpt #5
"Walang himala. ang himala ay nasa puso nating lahat!"

Excerpt #6
"Kanina pa kami rumarampa, walang lumalapit. Hindi yata araw ngayon ng mga pekpek"

Excerpt #7
"Simple lang naman ang hinihingi ko. Kung hindi mo ‘ko marespeto bilang asawa, rspetuhin mo naman ako bilang kaibigan. Kung hindi naman, respetuhin mo ‘ko bilang tao."

Excerpt #8
"I did not kill anybody!"

Excerpt #9
"Dahil totoo ang sabi nila, ang great love mo, hindi mo makakatuluyan. Ang makakatuluyan mo ay ang correct love."

Excerpt #10
"Dahil totoong ang pag-ibig ay maraming dalang trahedya, at ang umiibig ay dapat na inililigtas sa sarili, pero kung walang pag-ibig, ano na ang buhay?"

Excerpt #11
"Edad lang ni Glenda ang katorse sa kanya. Ang iba—itsura niya, pananalita niya, tingin niya sa buhay—ay tumanda na. Kung tumatanda ang kaluluwa’y kasama na rin siguro iyon."

Excerpt #12
"Kinuha ni Belinda sa kanyang silid ang kanyang maleta’t pamuli silang nakipaghabulan sa kanilang mga anino, habang ang mga daga’t butil ng karimlan ay nagkakaingay na sa paghabol sa kanila, at ang kanyang ulong muli na namang binabalikwasan ng sinat nito’t sakit ay nag-uumikot na sa pagkahilo’t halos mapadukmo sa napakabigat na aklat-kasaysayang dala-dala niya. Huwag kang lilingon, h’wag kang lilingon, ulit-ulit niyang usal sa sarili sapagkat alam niya sa pinakakaibuturan ng kanyang yanig na dibdib kung ano ang makikita’t maririnig sa dinaraanang silid at pasilyo: mga daing at sigaw-pasaklolo ng mga alilang babaing nilulunod lamang ng pag-ingit ng kama; mga hikbi ng kanyang Tita Dencia na di malauna’y magiging sigaw ng panunumbat. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, at ang mga larawan at tinig na iniiwan ng kanyang tumatakas na kamalayan ay napakarami’t nagkalat na sa pasilyo sa dilim, nagsambulat at nangakataas-bisig at nagpupumilit makaabot-hawak maging sa laylayan man lamang ng kanyang pantalon: isang gulanit na kurbata sa lupa, sillyang umuugoy sa harap ng buwa, bukol sa pigi ng kanyang lolo, ripleng duguan sa hagdan, bibig ng isang gurong wala nang tinig ay patuloy pa rin sa kabubuka-kasasara. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, hingal niyang usal habang sumasapot na sa kanyang parang isang kagubatan ng bango ang samyo ng bangkay ng kanyang lolo at kasabay sa pagtuntong niya sa unang baitang ng hagdang bato ay narinig niya ang malamig na tinig, alanganing nanggaling sa kanyang sariling dibdib (nasaklot niya tuloy ang dalang aklat), o nanggaling sa kanyang likuran; humihibik na tinig, nagsusumamo, nagsasabing saan ka pupunta, iho, alam mong di ka makakaalis kailanman, di tayo maaaring magkahiwalay sapagkat tayo’y iisa; at kasabay sa paghigop niya ng paghinga’y napagtanto niyang walang saysay ang lahat, ang pagsilang niya’y siya rin niyang pagbulusok pakulong sa kanyang nakalipas; at lumingon siya, sandali lang, sapagkat pagod na siya sa kung anumang laro o labanan o ritwal itong kinasuungan niya nang siya’y isilang, nakanganga pa ang bibig na lumingon; at huli na nang tangkain niyang kumapit sa bisig ng napasigaw na si Belinda, nawalan na ng panimbang sa hangin ang kaliwang paa niyang nadulas sa natuntungang riple (dugo ba iyon?) sa baitang ng hagdan, at kasabay sa pagbulusok niyang pahulog, ngatal pa rin ang mga kamay na ayaw kumawala sa yakap-yakap na aklat, ay narinig niya, sa kaunaunahang pagkakataon, ang musika ng kasaysayang hinabi ng kanyang lolo."

Excerpt #13
"Arya!"

Excerpt #14
"Nasa buong katawan ko na ang mapa ng kaputahan sa buong Pilipinas. Ang suso ko, Ermita. Ang puke ko, Quezon Ave. Ang kilikili ko, Balic-Balic. Ang batok ko, Baclaran. Ang mga singit ko, iyon, iyon ang madidilim na sulok ng Quiapo. Lahat na yata ng bagay pumasok dito sa katawan ko. Ang iba hindi na lumabas. Kung sa hindi ko paggalaw ay titigil ang lahat, hindi na ako titinag…"

Excerpt #15
"Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang mga sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hind kainin para lang makapagpadala ako ng malaking pera dito. Sana habang nakahiga ka diyan sa kutson mo natutulog, maisip mo rin kung ilang taon kong tiniis ang matulog mag-isa habang nangungulila ako sa yakap ng mga mahal ko."



Thursday, December 29, 2011

Berdugo

Noong panahon ng mga ninuno, ang mga pamayanan ay may mga berdugo. Tinatawag ang berdugong ito na bagani. Katulong siya ng datu sa pagtugis sa mga salot sa barangay. Katulong din siya sa pakikipaglaban sa mga katunggaling barangay. Tinitiyak niya ang kaligtasan ng datu at ng iba pang mga maharlika ng barangay.

Sa kasalukuyang panahon, uso pa rin ang berdugo. Isa sa kanila, tinutugis ngayon. Dahil kaiba sa mga berdugo noon, ang berdugong ito ay salot sa bayan. Naging katunggali niya ang mga mamamayang nasusuklam sa pinrutektahan niyang maharlika---ang pang-ulong binulok sa korupsyon ang halos lahat ng institusyon ng pamahalaan.

Dahil sa berdugong ito, maraming mga aktibista ang dinukot at nawawala. Hindi malaman kung buhay pa o patay na. Maraming mga pamilya rin ang naghahanap at umaasa.

Kailangan ang maagap na pagdakip sa berdugong ito. Ang berdugo ni Gloria. Si Gen. Jovito Palparan.



Ipataw ang katarungan para sa mga desaparecidos at sa kanilang mga pamilya!

Sundan ang balita rito.

Tuesday, December 27, 2011

Kumplikado

Balisa ang isip ko ngayon. Ramdam ko sa bawat tibok ng puso ko yung kaba.
Kagabi pa ako ganito. Ang totoo, hindi nga ako nakatulog nang maayos. Pagdating ko sa bahay, hindi ako makausap. Nagkukwento ako oo, pero hindi nagtatagal e bumabalik din ako agad sa pagkatulala. Nakatutok ako sa telebisyon pero tila tumatagos sa mga gumagalaw na tauhan ang paningin ko. Walang kahulugang rumerehistro sa isip ko mula sa mga binabanggit ng mga tauhan. Para bang ugong lang ang lahat.

Nagpasya na lang akong mahiga na sa kwarto. Dasal ako nang dasal, una na sana pagbigyan Niya yung hiling ko; pero nang ma-realize kong mas may tamang hiling, idinasal ko na lang na sana paglahuin Niya ang pag-asa na namumuo sa isip ko… na pakiramdam ko, habang tumatagal, lalong lumalaki; palaki nang palaki hanggang sa tila ba mas malaki na ito kaysa sa mga imahe ng matagal ko nang mga pangarap — na unti-unti nagiging mga takot. Bakit ba ang buhay, puno ng pag-asa at pangangarap? at mga takot?

Paulit-ulit, inusal kong sana maglaho ang pag-asa kong iyon. Nagmakaawa ako, nagsumamo. Hindi ako makatulog. Tumitig ako sa kisame. Itinuon ang paningin sa kapirasong bahagi ng isang mas malaki sanang mundo. Kung hindi ako makatulog, sana’y lumabas na lang ako ng kwarto at nakipagkwentuhan sa mga kapatid ko. Pero pinili kong mag-isa at magpakalunod sa kaiisip sa isang bagay na umpisa pa lang ay hindi naman para sa akin. Mas pinili kong maging miserable sa pagitan ng apat na dingding ng mundo kong parisukat. Kahon.

Unti-unti, humapdi ang mga mata ko. Pumatak ang mga luhang kanina ko pa tinitimpi. Nagsasalita ang isip ko. Bakit ba ako nawala sa isip niya? Anong nagawa kong mali? Bakit hindi naging patas? Saan na ako ngayon patungo? Bakit may matang tumititig at matang tumitingin? Ano ang basehan ng kanyang pasya?

… wala akong makuhang sagot.

Naisip ko, kakausapin ko siya bukas. Pero, nagsalita na ng mga gustong sabihin ang isip ko. At hindi na naman ako mapayapa. Para bang ayaw na niyang maghintay ng bukas. Ngayon na! Ngayon mo na sabihin! Pero walang paraan. Alangan namang puntahan ko siya sa bahay nila. Magtataka siya. Pero yun nga ang gusto kong maisip niya, ang isipin niya kung ano ang iniisip ko.

Buntung-hininga. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagpakawala ng malalalim na hugot ng hangin. Sinipat ko ang oras sa cellphone ko. 11:00 pm ang nakarehistro. At iyon ang huli kong naalala nang magising ako dahil sa ingay sa tabi ko. Iminulat ko ang mga mata ko. Nasa tabi ko na ang dalawa ko pang mga kapatid. At kung dangang nag-iingay. Gusto ko magalit sa kanila dahil ginising nila ang natutulog kong isip para muli na namang mag-isip… at hindi mapayapa. Pero hindi nila iyon maiintindihan. Kaya nagtimpi ako. Sinipat kong muli ang oras sa cellphone ko: 12:05AM.

Nagreplay ang lahat ng mga naisip ko bago ako nakatulog kanina. At pakiramdam ko, sumisikip ang isip ko. Parang hindi kasya ang mga laman gayong paulit-ulit lang naman ang sinasabi. Kailangan ko ng kausap; ng mapagsasabihan ng mga iniisip ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nagtext.

Hndi ako mk2log. Iniisip ko p rin ung knina. 


Hindi ako umasa ng reply. Tulog na siya.

Namaluktot ako sa pagkakahiga. Muling nagsalita ang isip ko – nakipag-usap sa isang taong hindi ko naman kasama. Malala. Pakiramdam ko, mababaliw ako. Nasa dibdib ko yung masidhing pagnanais na mailabas lahat ng nasa isip ko. At hindi na ako makapaghintay. Hindi kataka-takang naubos ang buong magdamag sa kaiisip ko sa bagay na yun. Kung may isang bagay akong gustong matutuhan, yun ay kung paano mabuhay sa kasalukuyan.

Bumangon ako ng alas-singko y medya. Kakaiba sa karaniwan. At pagtuntong ng paa ko sa lansangan, hindi naiba ang mundo. Para pa rin akong nakakahon sa apat na ding-ding ng aming kwarto.

Patapos na ang araw, pero hanggang ngayon balisa pa rin ang isip ko. Hindi ko alam kung kailan matatapos. O desisyon ko kung kailan tatapusin. Pero hinihiling ko pa rin na sana maganap. Pero sana mawala na sa isip ko ang pag-asa.

Paano ba mabuhay sa kasalukuyan?


(a repost from February 1, 2007 entry. Ewan. Halos ganito rin ang pakiramdam ko ngayon. Tinatamad lang sumulat ulit ng bagong entry. Hehe. Naisip ko, ganito pala talaga ang nakasanayan ng isip ko...)

Monday, December 26, 2011

Three-month Rule

I am afraid I will have to say goodbye to my Facebook account for now. See you Facebook friends after three months.

Thursday, December 22, 2011

Intrapersonal

Makailang ulit kitang kinakausap sa isip. Sa mga pagkakataong mag-isa, napakarami kong gustong sabihin. Pero kaya pang magkimkim ng puso ko.

Hindi na kailanman makararating ang mga ito sa iyo.

Tuesday, December 20, 2011

Elipses

Isang byahe tungo sa pagmamahal sa sarili...

(Mula rito ang larawan.)

Saturday, December 17, 2011

Ligaw

Hindi ko na nga alam kung ano pa ang inililigtas ko...