Sunday, March 26, 2006

Puwang

humahanap ako ng puwang
habang nakapiring ang mata
at may bulak ang tenga
habang manhid ang pandama
at mapait ang panlasa

sa gitna ng malawak na dagat
sa hibla ng mga ulap sa alapaap
sa pagitan ng mga damo sa parang
sa hapdi at init ng araw

nang sa gayo’y humulagpos sa lubid ng pagdurusa
at makipagtalik sa ritmo ng ligaya

subalit wala pa ring maapuhap…
maging patak ng tubig sa dagat,
o kapirasong hamog ng mga ulap,
ni talulot ng rosas sa parang,
at baga sa ningas ng araw

tuloy nananabik sa pagyakap
ng paglayang pinapangarap
ng katotohanang inaapuhap
ng pagmamahal at paglingap

at bukas, sa muli kong pagbangon…
patuloy pa rin sa sa paghanap
bagamat isip ay sawa na
at kahit puso ay pagod pa.
patuloy pa rin…
araw-araw…
gabi-gabi…
bawat oras…
bawat minuto…
habang paghinga’y tuloy pa

‘pagkat para saan nga ba ang mga pagsisikap,
kundi sa walang humpay na pagtuklas ng kalalagyan
at ng natatanging puwang.

No comments: