Wednesday, June 28, 2006

Magandang Umaga, Pilipinas

Naliligo ako kaninang umaga nang marinig ko sa radyo na magkakaron daw ng 125 pesos increase sa sahod ng mga manggagawa, across the board! Wow! Magandang balita! 

Pero, peste! Nakuryente ako! Dahil nakakainis ang sumunod na sinabi nung announcer. Magkakaron nga ng increase pero October pa raw, ayos lang sana, pero installment! (Ano raw?) Installment - ibig sabihin hindi buo, hahati-hatiin ang 125 pesos; hulugan - parang bumbay! Ayon sa balita, 45 pesos muna raw ang itataas ngayong October; tapos yung susunod na 40 pesos sa October ng susunod na taon na; at ang huling 40 pesos, hulaan mo kung kailan...tama ka, sa October ng 2008 pa! At ito pa, hindi pa sigurado kung tuloy ito dahil sa kongreso pa lang raw ito pumapasa, usad pagong pa rin yan pagdating sa senado.

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis sa balitang iyon, pero sigurado akong dismayado ako sa mga mambabatas natin. Yun na ba ang pinakamatinong maiisip nila? Sa pagkakatanda ko, first year college pa lang ako (taong 2001) humihirit na ang mga manggagawa ng 125 pesos na umento sa sahod.

Isipin mo na lang kung ilang beses nang nagtaas ang presyo ng langis, pamasahe, kuryente, tubig, at iba pang bilihin mula nung taong 2001, pero ang sahod, pinag-iisipan pa rin ng gobyerno hanggang ngayon kung itataas nila. Sa loob kaya ng tatlong taong panahon para taasan ng 125 pesos ‘kuno’ ang mga manggagawa, hindi ba muling magtataas ang langis, ang pamasahe, at mga pangunahing bilihin? Ano ang mararating ng isang beses bawat taon na pagtataas ng sahod laban sa araw-araw na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng tao.

At isa pa, imbes na ikubli nila ang masamang balita sa pagsasabing tataas ng 125 pesos ang sahod pero installment, bakit ba hindi na lang nila sinabing magkakaron ng 45 pesos na dagdag sahod ng mga manggagawa ngayong October? Hindi yung magbibigay sila ng magandang balita, pero may kabig na masama sa huli. Nagmimistula lang silang mga cast ng Going Bulilit!
oOo----------oOo

Ayon sa isang tala, nag-propose ang pamahalaang Arroyo nuong nakaraang taon na magkaroon ng 1.053 trilyong budget para sa taong kasalukuyan. Malaking halaga ito, pero hindi mo dapat isipin na magagamit ang malaking porsyento nito para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga Pilipino. Dahil lagpas kalahati ng badyet ang mapupunta sa pagbabayad ng utang ng bansa.

Sa ngayon, nasa 3.6 trilyong piso na ang kabuuang utang ng Pilipinas. Ibig sabihin, tayong mga Pilipino, kasama pa pati ang mga magiging anak-anak natin, ay may utang na lampas 45 libong piso bawat isa! At huwag mong isipin na hindi mo binabalikat ang halagang ito dahil lang sa alam mong wala kang 45 libong piso sa bulsa. Dahil araw-araw, kinukuha ang pambayad nito sa bawat bagay na binibili mo sa pamamagitan ng Expanded Value Added Tax. Kataka-taka pa ba ngayon kung bakit kailangang magtaas ng presyo ng bilihin sa halos araw-araw? Huwag din nating kaligtaan na ang utang ng bansa ay hindi naman talaga piso, kundi dolyar. At sa araw-araw na pagbaba ng piso at pagtaas ng dolyar, araw-araw ring lumulobo ang
utang ng Pilipinas. Ano ang dahilan? Ang makulit na Floating Exchange Rate. Bukod pa riyan ang tubo ng utang na patuloy na tumataas! Kaya’t ang katotohanan, malaking bahagi ng utang ng Pilipinas ay hindi naman talaga natin nahawakan at napakinabangan.

Ang natitirang ilang porsyento ng badyet ay hindi pa rin dapat asahan na mapupunta sa pagpapabuti ng kalagayan ng buhay, dahil malaking bahagi sa naiwang budget ay mapupunta naman sa militarisasyon imbes na ibahagi sa pondo ng edukasyon o social works. Sa ganyan ba dapat matuwa ang mga Pilipino?

Nuong taong 2004, hindi nagkakalayo ang kalagayan ng bansang Pilipinas at ng Argentina. Pero, hindi kasinduwag ng pamahalaang Arroyo ang pamahalaan ng president nilang si President Nestor Kirchner. Bakit? Dahil gumawa ng sariling polisiya ang Argentina sa paraan ng kanilang pagbabayad ng utang, kaiba sa itinakda ng IMF-World Bank. Hindi gusto ng IMF-World Bank ang polisiyang ito pero pinagmatigasan ng Argentina ang kanilang desisyon kasehodang kalabanin nila ang pitong mayayamang bansa na nagmamay-ari ng malaking porsyento ng pera ng pangmundong bangko. Sapagkat ayon sa kanilang presidente, kung susundin nila ang polisiya ng bangko, mamamatay na lang sa gutom ang mamamayan ng bansa nila, at iyon ang hindi raw niya maaaring payagan. Ang tanong: kailan kaya makagagawa ng katulad na desisyon ang pamahalaan natin? Kailan makatitindig ang bansa para sa ikabubuti ng kalagayan ng kanyang mamayan?
oOo----------oOo
Kasabay ng pagbulusok ng ekonomiya ng bansa ang patuloy na pagbaba ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino. Nakapanlulumong isiping sa panahon ngayon, maraming mga Pilipino ang naghihintay na lang ng kamatayan kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman. Isipin mo pang bumubulusok rin ang antas ng edukasyon ng mga Pilipino. Hindi na sapat para sumabay sa napakabilis na sistema ng globalisasyon.


Lumilipad ang isip ko habang isinusulat ko ito. Iba-ibang sakit ng bayan ang naiisip ko. Mahirap, madugo, at masakit talagang mag-isip ng solusyon sa problema ng bayan. Naabuso nang maigi ang People’s Power, at minamani na lang ni Ate Glo ang tangkang pabagsakin siya sa pwesto.

Masakit mang isipin, pero ang katotohanan, marami-rami rin ang hindi na nag-iisip ng pangkalahatang solusyon sa problema. Sari-sariling lakad na, maiwan na ang mabagal maglakad. Huh! Survival of the fittest.

Saan na ba patungo ang mga Pilipino? 

No comments: