Kapag marami kang hiling, maraming mga pagkakataon ding maa-upset ka dahil sa di pagkatupad ng mga hiling mo. Kapag marami kang inaasahan, kasing dami rin nun at higit na malaki sa mga iyon ang mga sama ng loob na mamumuo sa dibdib mo kapag hindi nangyari ang mga expectations mo.
Nature na ng tao ang humiling at umasa. At kakambal parati nun ang pagkabigo at malaking sama ng loob, kung hindi man saya kung nagkakaron ito ng mga katuparan. Kaya nagtataka ako kay Maria sa Eleven Minutes ni Paulo Coelho. Si Maria kasi hindi umaasa. Para sa kanya, wala siyang pag-aari kaya walang mawawala sa kanya anuman ang mangyari. Itinigil na niya ang paghiling dahil dito kasi para saan pa nga ba e kung wala naman talagang masasabing “kanya”. Kung gusto mong malaman ang kwento ni Maria, basahin mo siya. Di ko ikukwento. Asa ka pa.
Gusto ko lang sabihin na masakit ang umasa. Sa totoo lang, pangit. Pero parating nagkakapuwang sa isip ko ang konseptong yan. Alam ko may risk na masaktan. At madalas nga masakit. Pero paulit-ulit ko pa ring ginagawa. Katangahan daw ang tawag pag ganun. Pero bahagi na ng sistema ng tao yan. Sino ba’ng di umaasa, bukod sa fictional character na si Maria?
Pero sa experience ko kasi, naisip ko lang, ang mga pinakamasarap na pakiramdam ay sumibol mula sa mga pangyayaring hindi ko naman inasahan. You know what i mean? Yun bang hindi bahagi ng plano pero nangyari. Yung parang ibang kamay ang may gawa, at di ang sarili mong pagpaplano. Yun bang lahat ng mga bagay ay nangyayari dahil napagkasunduan ng langit, ng lupa, ng hangin, at ng lahat ng bagay at tao sa paligid…. Yun bang, parang may harmony at unity. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, naniniwala pa rin ako sa destiny. Kasi kahit gaano ka-perpekto ang mga iniisip, pinaplano, inaasahan, at hinihiling mo, madalas meron pa ring sabit. Hindi nangyayari ang perpektong senaryong inaasahan.
Sinasabi ko ito ngayon kasi may isa na namang expectation ko ang nabigo. Tangna talaga! Naalala ko tuloy noong mga panahong yung mga bagay ay nangyayari lang nang ni sa hinagap ay di ko inisip na magaganap. Ang sarap ng pakiramdam. Parang yung maiisip mo kapag tumingin ka sa isang malinis na batis — na yung tubig nito, dumadaloy nang malaya. Pakiramdam ko noon, nangyayari rin ang lahat nang malaya… Parang ang lahat nagpaubaya para mangyari ang mga iyon. Magic! Hindi ko alam kung sino ang may sabi nun, pero naalala ko lang ngayon dahil pareho ang tinutumbok ng mga sinasabi namin. Sabi niya, pag ang dalawang tao ay nagmahalan, lahat ng energy sa paligid nagtutulong-tulong para matupad ang mga layunin nila… ganun nga.
… yun yung mga panahong hindi kailangan ng hiling…
Gusto ko na ulit matutuhang hindi umasa…
No comments:
Post a Comment