Balisa ang isip ko ngayon. Ramdam ko sa bawat tibok ng puso ko yung kaba.
Kagabi pa ako ganito. Ang totoo, hindi nga ako nakatulog nang maayos. Pagdating ko sa bahay, hindi ako makausap. Nagkukwento ako oo, pero hindi nagtatagal e bumabalik din ako agad sa pagkatulala. Nakatutok ako sa telebisyon pero tila tumatagos sa mga gumagalaw na tauhan ang paningin ko. Walang kahulugang rumerehistro sa isip ko mula sa mga binabanggit ng mga tauhan. Para bang ugong lang ang lahat.
Nagpasya na lang akong mahiga na sa kwarto. Dasal ako nang dasal, una na sana pagbigyan Niya yung hiling ko; pero nang ma-realize kong mas may tamang hiling, idinasal ko na lang na sana paglahuin Niya ang pag-asa na namumuo sa isip ko… na pakiramdam ko, habang tumatagal, lalong lumalaki; palaki nang palaki hanggang sa tila ba mas malaki na ito kaysa sa mga imahe ng matagal ko nang mga pangarap — na unti-unti nagiging mga takot. Bakit ba ang buhay, puno ng pag-asa at pangangarap? at mga takot?
Paulit-ulit, inusal kong sana maglaho ang pag-asa kong iyon. Nagmakaawa ako, nagsumamo. Hindi ako makatulog. Tumitig ako sa kisame. Itinuon ang paningin sa kapirasong bahagi ng isang mas malaki sanang mundo. Kung hindi ako makatulog, sana’y lumabas na lang ako ng kwarto at nakipagkwentuhan sa mga kapatid ko. Pero pinili kong mag-isa at magpakalunod sa kaiisip sa isang bagay na umpisa pa lang ay hindi naman para sa akin. Mas pinili kong maging miserable sa pagitan ng apat na dingding ng mundo kong parisukat. Kahon.
Unti-unti, humapdi ang mga mata ko. Pumatak ang mga luhang kanina ko pa tinitimpi. Nagsasalita ang isip ko. Bakit ba ako nawala sa isip niya? Anong nagawa kong mali? Bakit hindi naging patas? Saan na ako ngayon patungo? Bakit may matang tumititig at matang tumitingin? Ano ang basehan ng kanyang pasya?
… wala akong makuhang sagot.
Naisip ko, kakausapin ko siya bukas. Pero, nagsalita na ng mga gustong sabihin ang isip ko. At hindi na naman ako mapayapa. Para bang ayaw na niyang maghintay ng bukas. Ngayon na! Ngayon mo na sabihin! Pero walang paraan. Alangan namang puntahan ko siya sa bahay nila. Magtataka siya. Pero yun nga ang gusto kong maisip niya, ang isipin niya kung ano ang iniisip ko.
Buntung-hininga. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagpakawala ng malalalim na hugot ng hangin. Sinipat ko ang oras sa cellphone ko. 11:00 pm ang nakarehistro. At iyon ang huli kong naalala nang magising ako dahil sa ingay sa tabi ko. Iminulat ko ang mga mata ko. Nasa tabi ko na ang dalawa ko pang mga kapatid. At kung dangang nag-iingay. Gusto ko magalit sa kanila dahil ginising nila ang natutulog kong isip para muli na namang mag-isip… at hindi mapayapa. Pero hindi nila iyon maiintindihan. Kaya nagtimpi ako. Sinipat kong muli ang oras sa cellphone ko: 12:05AM.
Nagreplay ang lahat ng mga naisip ko bago ako nakatulog kanina. At pakiramdam ko, sumisikip ang isip ko. Parang hindi kasya ang mga laman gayong paulit-ulit lang naman ang sinasabi. Kailangan ko ng kausap; ng mapagsasabihan ng mga iniisip ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nagtext.
Hndi ako mk2log. Iniisip ko p rin ung knina.
Hindi ako umasa ng reply. Tulog na siya.
Hindi ako umasa ng reply. Tulog na siya.
Namaluktot ako sa pagkakahiga. Muling nagsalita ang isip ko – nakipag-usap sa isang taong hindi ko naman kasama. Malala. Pakiramdam ko, mababaliw ako. Nasa dibdib ko yung masidhing pagnanais na mailabas lahat ng nasa isip ko. At hindi na ako makapaghintay. Hindi kataka-takang naubos ang buong magdamag sa kaiisip ko sa bagay na yun. Kung may isang bagay akong gustong matutuhan, yun ay kung paano mabuhay sa kasalukuyan.
Bumangon ako ng alas-singko y medya. Kakaiba sa karaniwan. At pagtuntong ng paa ko sa lansangan, hindi naiba ang mundo. Para pa rin akong nakakahon sa apat na ding-ding ng aming kwarto.
Patapos na ang araw, pero hanggang ngayon balisa pa rin ang isip ko. Hindi ko alam kung kailan matatapos. O desisyon ko kung kailan tatapusin. Pero hinihiling ko pa rin na sana maganap. Pero sana mawala na sa isip ko ang pag-asa.
Paano ba mabuhay sa kasalukuyan?
No comments:
Post a Comment