Sakto ala-una kwarenta y siete ng madaling araw. Pagsilip ko kanina sa langit, nakita kong half-moon ang buwan - madilaw ang kulay at napakagandang pagmasdan. Totoong nabibighani ako sa buwan - ito ay bukod sa dahilang may espesyal na kahulugan ito sa akin dahil sa isang minamahal. Mainit ngayon. Pero, kataka-takang mahimbing ang tulog nitong dalawang tao sa tabi ko. Nakakaramdam na rin ng antok ang mga mata ko, pero hindi ang isip ko; malikot pa rin ito at andaming sinasabi. Palagay ko, sasamahan ko ngayon ang buwan sa pagpupuyat.
Nitong mga nakaraang araw, sinusubukan kong ituwid ang mga maling kasanayan na nakintal sa sarili ko ng ilang taon na rin. Kailangan nang umpisahan ang pagbabago. Pero, sabi nga ni Andrew Matthews, ang lahat ng sinserong pagbabago ay palaging sinusubok. Araw-araw nga sinusubok ako at araw-araw rin akong bumibigay. Ang nakakatawa, araw-araw ko ring sinasabing "pangako! bukas, hindi na!" Gayunman, araw-araw man akong magkamali, ayos lang. Tuluy-tuloy lang hanggang mapagwagian ko ito.
Madalas naiisip ko, ang hirap 'pag sarili mo ang tumutuos sa iyo; hahantong ka talaga sa isiping sarili mo lang at wala nang iba pa ang pinakamatinik mong kalaban. At ganun talaga. Tayo lang kasi ang higit na nakakakilala sa mga sarili natin. Kasi kung iisipin, parang di gaanong malakas ang dating kapag ibang tao ang magsabi sa'yo ng mga kahunghangan mo; pero kung ikaw na ang magsabi niyan sa sarili mo, iba na yun - ibang laban na. Lalo kung kahit isa, wala kang ginawa para magbago at kumilos ayon sa itinuturo ng mga realisasyon mo.
Wala akong pinagsisisihan sa mga nangyari sa buhay ko. Kapag bumabalik sa alaala ko ang mga kamaliang nagawa ko noon, madalas natatawa ako, tapos nangingiwi, tapos naiiling - dun, dun na pumapasok ang panghihinayang. Pero never akong nagsisi. Kasi sa lahat-lahat ng mga nangyari sa akin parati kong naiisip kung ano pala ang dapat na ginawa ko. In short, may natutuhan ako. Marami.
Minsan na rin akong naging makasarili - nakapanakit ng mga kaibigan para pagbigyan ang hilig ng puso ko. Pero, tapos na. Nag-sorry na ako isa-isa sa mga taong nasaktan ko. Araw-araw, kumakatok ang pagbabago. Araw-araw ko rin siyang pinatutuloy. Pero, kung tatanungin ako kung anong gusto kong baguin sa nakaraan ko, capitalized na WALA AKONG BABAGUHIN ang isasagot ko. Kasi, kung ano ang pananaw at paninindigan, lungkot at sayang meron ako ngayon; kung ano ang baon-baon kong mga pangarap araw-araw; kung ano ang ako na kilala ng lahat ngayon...lahat yun ay dahil sa mga katalinuhan at kabobohang pinairal ko noon at pinaiiral ko ngayon.
Siguro, ang pinakamalaking gapos na umagaw ng kalayaan ko ay ang mga kasinungalingang parati kong tinatangkilik tungkol sa akin. Idagdag pa ang isipin na matagal rin akong kumapit sa isang pag-asang sa kabiguan din pala hahantong. Pero, tulad ng sinabi ko, hindi ako nagsisisi. Masaya ako. Yun ang totoo. Kung may mga panahong naluluha ako dahil sa kabiguan na yun, siguro dahil hindi lang ako nasanay na hindi na nakakapit sa pag-asang matagal kong pinanatili sa puso ko. Nakakatakot ang mga isipin pagkatapos ng isang kabiguan. Nakabitin ka palagi sa tanong kung ano ang mga susunod na magaganap. Pero, hindi ko dapat duon itinutuon ang isip ko. At sa ganitong pananaw ko parating naaamoy ang pagbangon mula sa isang pagkakadapa.
No comments:
Post a Comment