Napanaginipan kita kaninang madaling-araw. Magkausap raw tayo. Ang saya ng pakiramdam ko dun sa panaginip ko na yon. Ang laki-laki ng mga ngiti ko. Ganun din ang nakita ko sa'yo. Naisip ko tuloy na na-miss mo rin ako. Matagal-tagal na rin kasi tayong hindi nagkikita. Ilang taon na nga ba?... Tuwang-tuwa ako sa pagkukwento sa'yo. Dire-diretso lang ako sa pagsasalita habang nakikinig ka. Tawa ka nang tawa sa mga sinasabi ko; tawa rin ako nang tawa sa mga reaksyon mo. Para kang mauubusan ng hininga. Sinabi mo sa akin na naninibago ka; na parang hindi ako ang kaharap mo. Oo nga naman, naisip ko. Dahil bago tayo nagkahiwalay, kimi ang tingin mo sa akin-- tahimik lang at parang naghuhukay ang isip. Katulad mo. Hindi mo siguro akalain na magiging ganito ako kakulit ngayon. Ngumiti ako. Sinubukan ko pa ulit magbiro: "Siguro, kasi hindi na ako alien sa sarili ko." Hindi ka natawa. Naisip kong ang corny ko. Nangiti ka na rin maya-maya. Pero tumitig ka sa akin na parang naghihintay ka ng dagdag na sasabihin ko.
Natahimik tayo. Nagpapakiramdaman. Maya-maya pa, tubigan na ang mga mata ko. Natagpuan na lang kitang nakaupo sa likuran ko. Sumandal ka sa likod ko; sumandal din ako sa'yo. Tahimik lang tayo; nakatingin sa malayo. May kakaibang kapayapaan akong naramdaman. Ang sarap. Parang langit. Ganun sana ang gusto ko sa isang kaibigan. Yun bang pwede kayong matulala, humalakhak, at lumuha sa harap ng bawat isa nang walang nagpipilit mag-usisa ng mga nararamdaman ninyo. May respeto. May laya. Masarap. Masaya.
Nagising ako nang nakangiti. Matagal bago ako bumangon. Iniisip ko kasi na hindi naman talaga tayo naging malapit sa isa't isa. Bakit ikaw ang kasama ko sa ganung sitwasyon sa panaginip ko? Dahil siguro noon pa man, meron ka nang pitak sa puso ko. Hanga ako sa'yo e. Magaling ka kasi. Sayang, naligaw ako ng landas. Naligaw ka rin 'ata. Nagkahiwalay tayo kaagad.
oOo----------oOo
Dinalaw ko ang friendster profile mo kanina. Ang saya-saya ng mga ngiti mo sa mga pictures mo. Naalala ko tuloy nung una tayong magkita. Sa loob ng opisina ng isang publication sa PUP, di ba? Nag-aaplay ako nun para maging staff writer nung diyaryo. Iba ang itsura mo nun sa itsura mo ngayon. Saya!
No comments:
Post a Comment