Nangangati ang buong katawan ko ngayon. Allergy. Tinubuan ako ng maliliit at malalaking pantal sa balat. Pati ang mata ko ay nadamay. Para tuloy akong nakagat ng mga ipis. Nakakabwisit, kasi parang wala sa balat yung kati. Dun yata sa loob. Kaya kahit anong kamot ang gawin ko, parang walang epekto. Gago pa ako, kasi sa kabila ng nararamdaman ko, nag-i-imagine pa ako ng kung anu-ano. Halimbawa, naisip ko ang sarili ko sa isang lugar na siksikan at punung-puno ng tao habang umaatake ang kati sa likod, binti, at kamay ko. Shit! Lalo tuloy akong naiirita sa kalagayan ko.
Kanina nga habang nasa sasakyan papasok sa trabaho, iritang-irita na yata yung katabi ko sa jeep dahil sa kalikutan ko. Buti na lang nasa dulo ako, sa bandang likod ng driver. Nagsumiksik na lang tuloy ako sa sulok para hindi gaanong istorbo, at sinubukang tiisin ang kati tulad ng payo sa akin ng nanay ko. Pero, linsyak! Sumakay pala ako sa jeep nang walang baryang pamasahe!Nag-excuse muna ako sa katabi ko bago ko hinugot ang coin purse ko sa bulsa. Binilang ko ang laman: P 6.50. Tsk, tsk! Lagot! Tatanggap kaya si manong ng 'sanlibo nang ganon kaaga? Yun lang ang perang meron sa pitaka ko. Kumapa ulit ako sa bulsa ko, baka 'ka ko meron pang ibang barya. Meron akong nahugot: dalawang balat ng HALLS. Naisip ko, pwede na kaya yun? Baka lang 'ka ko umubra kay manong yung patalastas. (*smile) Hindi tuloy ako napalagay.
Habang nasa jeep, naalala ko rin yung kaibigan ko na iritang-irita kahapon dahil sa masamang panahon at pag-i-strike ng mga tsuper ng jeep sa lugar nila. Malas, sabi niya. Naiinis siya dahil hindi man lang daw inisip ng mga nagwewelga yung epekto ng strike nila sa katulad niyang 'ordinaryong mamamayan'. Marami siyang litanya -- tingin ko'y puro makasarili. Walang problema, opinyon niya naman iyon.
Pero naisip ko, naabala lang kasi siya nang sobra at inalala ang sarili niya. Sa tingin ko kasi, walang kaso kung may nagwewelga -- kahit anong pagra-rally pa yan. Kasi, ibig sabihin lang nun, meron pa ring freedom of expression...kaysa naman wala, di ba? Tulad noong nangyari nang magbaba si GMA ng Proclamation 1017.
Marami ang tulad ng kaibigan ko. Ayaw sa rally. Itinuturo silang dahilan ng mabagal na pag-usad ng kabuhayan sa bansa. Eyesore sa mga investor. Tagapagdala ng kaguluhan. Sagabal sa kapayapaan. Contibutor sa kahirapan. Ang hindi lang natin nakikita, na ang kaguluhan sa bansa, ang kawalan ng kapayapaan, ang mabagal na pag-usad ng kabuhayan, at ang kahirapan ay ilan lamang sa mga dahilan ng kanilang pagtungo sa lansangan para mangalampag ng kinauukulan. Maraming mag-iisip na abala lang ang ginagawa nila sa mga gawain natin. Pero, sila lang din ang nag-aabala para ipaglaban ang karapatan nating mabuhay nang malaya at matiwasay sa sarili nating bansa. Sila yung nakakakita ng mga problema ng bayan pero hindi mauupo lang at magngingitngit sa sistemang nagpapahirap sa mga mamamayan; kundi hahawak ng plakard, banner, at sisigaw sa mga langsangan para ipagtanggol ang karapatan natin at hindi lang ng sa kanila, kasehodang mabatuta at mabomba ng tubig ng bombero o tortyurin ng mga pulis at militar kapag nahuhuli. Kapag may rally ang mga tsuper, stranded ang mga commuters, siguradong mali-late tayo sa trabaho at syempre kaltas sa sahod; pero gasino ba ang ilang minuto o oras pang mababawas sa sahod natin kumpara sa isang buong araw na kitang mawawala sa kanila para mangalampag upang aksyunan ang problemang nagpapahirap sa ating lahat?.....Naisip ko, siguro ang pinakamalaking problema ay ang kawalan natin ng pakialam sa mga nangyayari sa bansa. Don't get me wrong. Hindi ko sinasabing mag-rally ka rin. Malalaki na naman na tayo at may tamang pag-iisip na para malaman kung ano ang maiaambag nating mabuti para ibsan ang may sakit nating bayan.
Sa puntong yun ko naisip na hindi pa pala ako nagbabayad. Kinausap ko yung driver at mapagpakumbabang tinanong kung may papalit ba siya sa 'sanlibo kahit alam kong wala. Nagmukha akong tanga sa tanong na yun. Sinabi kong siks-pipti lang kasi ang barya ko. Sabi niya: "estudyante? pwede na yan." Hindi ako nagsalita dahil ayaw kong magsinungaling. Pero inabot ko pa rin yung siks pipti at itinago yung dalawang balat ng HALLS ko sa kamay, panghanda lang kung sakaling kailangan niya ng pandagdag. Hehe. Loko ako. Narito akong sumusuporta sa hinaing ng mga tsuper, pero ako pa pala ang unang...uhm...manlalamang? Nagpasalamat ako sa driver bago ako bumaba.
Makati pa rin ang mga pantal ko. Minsan pakiramdam ko, parang mahirap huminga. Sabi nila, huwag ko raw kamutin para hindi lumala. Pero, di ko mapigil ang sarili ko. Naiisip ko ngayon, allergy rin ang sakit ng bansa. Maraming kati. Hindi lahat, gustong kumamot dahil baka raw lumala. Sana, meron na lang mag-alok ng gamot....
Makati pa rin ang mga pantal ko. Minsan pakiramdam ko, parang mahirap huminga. Sabi nila, huwag ko raw kamutin para hindi lumala. Pero, di ko mapigil ang sarili ko. Naiisip ko ngayon, allergy rin ang sakit ng bansa. Maraming kati. Hindi lahat, gustong kumamot dahil baka raw lumala. Sana, meron na lang mag-alok ng gamot....
...sa akin kasi marami, at totoong nagpapasalamat ako sa kanila.
No comments:
Post a Comment