Sunday, April 20, 2008

Pagal


Linggo. Wala kami sa bahay. Dumalaw kami sa bahay ng Lola ko sa Caloocan. Birthday niya, 89 years old. Natutuwa akong nakita siya, at malakas-lakas pa sa edad niya. Natutuwa ako sa pagkaabot niya ng ganung edad. Natutuwa ako sa kanya, nalulungkot ako para sa sarili ko. May mga tanong sa isip ko tungkol sa pagtanda. At pagkat malungkot na ako nitong mga nakaraang araw dahil na rin sa iba’t ibang mga pangyayari sa pamilya, kaibigan, at minamahal e binayo na ng sama ng loob ang dibdib ko.

Nung mga oras na yun, alam kong sa kabilang panig ng mundo ay may isang tanawing nagaganap na ayaw ko mang saksihan ay nanunuot naman sa diwa ko. Masakit.
Dahil ayaw kong ipahalata ang dinadala ko sa dibdib (o mas tamang sabihing walang dapat makahalata) kinuha ko yung bike ng pinsan ko na nakaparada sa gilid ng bahay namin. Pinaandar ko. Kailangan kong tigilan ang pag-iisip kaya ginawa kong busy ang katawan ko. Tuluy-tuloy ako sa pagmamaneho. Inuunahan ko yung mga sasakyang demotor sa kalsada. Binibilisan ko kahit pataas pa ang mga daan. Diri-diretso. Kailangang makalimot. Kailangang hindi makapag-isip.

Hanggang sa kinapos na ako ng hininga. Parang kulang ang hangin sa paligid para punuin ang baga ko.

Huminto ako sa lilim ng isang puno. Ibinagsak ko ang bike sa gilid saka ako sumalampak sa semento. Hingal ako nang hingal. Nung mga oras na iyon, di ko na alam kung nasa’n na ako. At alam kong matapos kong problemahin ang paghahabol sa hangin, habang kinukontrol ang sarili na huwag mag-collapse, ay iisipin ko naman kung pa’no ang daan pauwi. 

Uhaw ako. Kulang ako sa hangin. At nanunuot sa puso ko ang sama ng loob. Pawisan ako, at natagpuan ko na lang ang sarili ko na lumuluha. Yumuko ako at ipinatong ang ulo sa mga tuhod. Pasinghap-singhap ako sa paghahabol ng hininga.

Ilang sandali pa ay nahimasmasan ako. Nakabawi na. Muli akong sumakay ng bisekleta upang tuntunin ang daan pauwi. Naliligaw talaga ako. Pero hindi na bago yun. Matagal na akong nawawala, at naghahanap ng daan pabalik sa sarili ko. Nakakatakot ang maligaw, walang seguridad. Lalo pa kung mag-isa ka lang. Nakakalungkot. Hanap ka nang hanap ng hindi masumpungan.

Sa huli ay natunton ko rin ang daan pabalik. Pinaram ko ang lungkot sa mukha ko bago ako pumasok ng bahay. Nginitian ko silang lahat at pinamalita ang kabobohan ko.

Natunton ko ang daan pabalik ng bahay. Pero alam ko sa sarili kong naliligaw pa rin ako. Natatakot pa rin. Nalulungkot. Naghahanap.

Pagal…

No comments: