Naisip ko na yun. Inasahan ko na. Kumbaga, alam kong ganun naman talaga ang mangyayari. Pero tulad sa karaniwan, kapag nangyari na, kapag nasa harap mo na ang katotohanan, may sipa pa rin!
Bakit nga ba ang hirap tanggapin ng totoo? Nung sinabi niya yun sa akin kanina, naramdaman ko nang ito na. Sa unang bato niya pa lang ng salita, nahagingan na ako, at ramdam ko! Parang may apoy na bumalot sa puso ko. Na umabot sa labas ng katawan ko. Parang si Gouku kapag naka-super saiyan. Mainit naman talaga. Summer. Pero sa pakiramdam ko, hindi dulot ng klima yung init sa katawan ko. Kundi, sa damdaming ibig kumawala – na sinupil ko, para di mahalata.
Nung hindi na haging. Nung diretso na niyang ibinato, sapul na talaga. Ganito eksakto ang pakiramdam ko: parang nagging malamig na juice yung dugo sa loob ng puso ko. Tapos hinalo. Yung buong dibdib ko, parang hinuhukay.
Nagkwento siya. Pinakinggan ko. Nagpayo pa ako. Pero shit! Kahit alam ko naman sa sarili ko na bukal sa loob ko ang mga payong iyon, sumisigaw talaga ang damdamin ko. Nasasaktan ako. At gusto kong magmura! Magbibiro ako, tatawa. Pero putsa! Hindi lang yun ang dapat lumabas!
Sa paglalakad ko pauwi, lumalakbay pa rin ang isip ko. Nakatingin ako sa lupa, nakayuko. Yung dalawang kamay ko, nakapasok sa mga bulsa sa likod ng pantalon ko. Dumaan ako ng simbahan at nagdasal. Nangingilid ang luha sa mga mata ko. Hindi ako nagtitimpi, ayaw lang talaga tumulo.
Sa pagdating ko sa bahay, nakaharang sa pinto ang nanay ko. Gusto kong sumubsob sa mga balikat niya at umiyak. Gusto kong may makaalam na nasasaktan ako. Pero, hindi ko nagawa. Ang hirap nang sinasarili ang sakit ng damdamin. Dumiretso ako sa kwarto. Pigil ang paghikbi, ibinuhos ko ang luhang kanina pa nangingilid sa mga mata ko. Pero alam ko, hindi na lang iyon tungkol sa nalaman ko kanina. Mas iniiyakan ko yung pakiramdam na sinasarili ko lang yung sakit. Walang mapagsabihan. Walang maiyakan.
Masakit tanggapin ang katotohanan. Pero, nung mga oras na yun, mas nasasaktan ako dahil di ko maipatalos ang tunay kong nadarama.
No comments:
Post a Comment