Tuesday, June 12, 2012

Lipad!

"Ang maganda sa kalayaan, hindi ito nakukuha sa iyo nang hindi mo pinapayagan."


Galing dito ang larawan.

Sunday, May 27, 2012

Pilat

Matagal din akong hindi nakapagsulat sa blog na ito. Kinakain ng trabaho ang malaking oras ng buhay ko. It's not an excuse, of course. Sayang ang mga karanasang hindi ko naisa-titik. 

Hindi ko, halimbawa, nasabing nagsimula na ako sa "pamumulot ng mga piraso". Maingat ko nang sininop sa kahon ang bawat bahagi kong nabasag. Alam kong sa mga susunod na araw ay isa-isa kong maibabalik ang mga ito sa kanilang kinalalagyan. Mabubuo muli ako.

Ipininid ko na ang pinto ng kwartong iniwan kong nakabukas sa pag-aakalang may magbabalik. Nagligpit na ako ng mga kalat. Iniunat ko ang mga iniwan niyang lukot sa kubre-kama. Winalis ang sahig at tinanggal ang mga bakas ng paa. Pinunasan ko ang mantsa ng labi sa mga baso at kutsara. Pinatay ko ang ilaw;  hindi maglalaon ay sisilip din ang liwanag ng araw.

Husto na ang paghihintay. Dahil ang bawat panahon ay panahon ng pagkilos, ng paghahanda. Upang sa sandaling muling magsabwatan ang kalikasan para sa aking kaligayahan, hindi na ako mabibigla.

Anumang sakit ng damdamin ay naglalaho rin. Sa tamang panahon. Sabi nga ni Ildefonso Santos sa kanyang tulang Sa Tabi ng Dagat, "Lahat ay naaagnas ding marahang-marahan."

Sa ngayon, patuloy lang sa pagsulat. Dahil

"napaghihilom ng panulat ang mga pilat sa gunita."




Wednesday, March 7, 2012

Bigwas


Mula rito ang larawan.

Natagpuan ko ang sarili kong nakatulala kanina. Isip ako nang isip kung paano ko isisiksik sa nalalabing dalawang araw ng linggo ang pag-aayos ng manuskritong gawa ng isang mediocre writer. Pasensya na kung may tunog ng panlalait ang nauna kong pangungusap.

Sobrang nakaaasar lang talaga. Nakababaliw kasing isipin kung paano mo gagawing libro ang isang manuskritong bawat pahina ay punong-puno ng problema ang pagkakasulat. Humahapdi na ang mga mata ko sa kababasa ng mga manuskritong binabali-baliktad para maiayos. Mas malala pa ang problema kung walang maibaliktad kaya kailangan mo pang magsulat sa halip na mag-edit lang. Halos hindi ko na maigalaw ang mga daliri ko sa kata-type ng mga talatang ang awtor sana ang nagsulat.

Kaya ngayon, gusto kong sabihin: Kapag nangarap kang makapaglathala ng librong ipapangalan sa iyo, una sa lahat, dapat ay manunulat ka, o kahit man lang sana ay nangarap ka munang maging manunulat at pinaghusay mo ang sarili mo para magawa iyon. Hindi ka nangangarap ngayon lang at bukas sa paggising ay manunulat ka na agad. Alam mo rin sana kahit man lang ang basic grammar rules at sentence construction.

Hindi junk shop ang isang publishing house. Mga editor ang nakikita rito at hindi mga basurero.

Kung ikaw ang awtor ko at naligaw ka sa blog na ito, salamat naman dahil umabot din sa iyo ang bigwas ko.