Tuesday, June 12, 2012

Lipad!

"Ang maganda sa kalayaan, hindi ito nakukuha sa iyo nang hindi mo pinapayagan."


Galing dito ang larawan.

Sunday, May 27, 2012

Pilat

Matagal din akong hindi nakapagsulat sa blog na ito. Kinakain ng trabaho ang malaking oras ng buhay ko. It's not an excuse, of course. Sayang ang mga karanasang hindi ko naisa-titik. 

Hindi ko, halimbawa, nasabing nagsimula na ako sa "pamumulot ng mga piraso". Maingat ko nang sininop sa kahon ang bawat bahagi kong nabasag. Alam kong sa mga susunod na araw ay isa-isa kong maibabalik ang mga ito sa kanilang kinalalagyan. Mabubuo muli ako.

Ipininid ko na ang pinto ng kwartong iniwan kong nakabukas sa pag-aakalang may magbabalik. Nagligpit na ako ng mga kalat. Iniunat ko ang mga iniwan niyang lukot sa kubre-kama. Winalis ang sahig at tinanggal ang mga bakas ng paa. Pinunasan ko ang mantsa ng labi sa mga baso at kutsara. Pinatay ko ang ilaw;  hindi maglalaon ay sisilip din ang liwanag ng araw.

Husto na ang paghihintay. Dahil ang bawat panahon ay panahon ng pagkilos, ng paghahanda. Upang sa sandaling muling magsabwatan ang kalikasan para sa aking kaligayahan, hindi na ako mabibigla.

Anumang sakit ng damdamin ay naglalaho rin. Sa tamang panahon. Sabi nga ni Ildefonso Santos sa kanyang tulang Sa Tabi ng Dagat, "Lahat ay naaagnas ding marahang-marahan."

Sa ngayon, patuloy lang sa pagsulat. Dahil

"napaghihilom ng panulat ang mga pilat sa gunita."




Wednesday, March 7, 2012

Bigwas


Mula rito ang larawan.

Natagpuan ko ang sarili kong nakatulala kanina. Isip ako nang isip kung paano ko isisiksik sa nalalabing dalawang araw ng linggo ang pag-aayos ng manuskritong gawa ng isang mediocre writer. Pasensya na kung may tunog ng panlalait ang nauna kong pangungusap.

Sobrang nakaaasar lang talaga. Nakababaliw kasing isipin kung paano mo gagawing libro ang isang manuskritong bawat pahina ay punong-puno ng problema ang pagkakasulat. Humahapdi na ang mga mata ko sa kababasa ng mga manuskritong binabali-baliktad para maiayos. Mas malala pa ang problema kung walang maibaliktad kaya kailangan mo pang magsulat sa halip na mag-edit lang. Halos hindi ko na maigalaw ang mga daliri ko sa kata-type ng mga talatang ang awtor sana ang nagsulat.

Kaya ngayon, gusto kong sabihin: Kapag nangarap kang makapaglathala ng librong ipapangalan sa iyo, una sa lahat, dapat ay manunulat ka, o kahit man lang sana ay nangarap ka munang maging manunulat at pinaghusay mo ang sarili mo para magawa iyon. Hindi ka nangangarap ngayon lang at bukas sa paggising ay manunulat ka na agad. Alam mo rin sana kahit man lang ang basic grammar rules at sentence construction.

Hindi junk shop ang isang publishing house. Mga editor ang nakikita rito at hindi mga basurero.

Kung ikaw ang awtor ko at naligaw ka sa blog na ito, salamat naman dahil umabot din sa iyo ang bigwas ko.

Friday, March 2, 2012

Tadyang

Ang buwan ng Marso ay Buwan ng mga Kababaihan. At ganito sinimulan ang selebrasyon kahapon.

Mula sa ABS-CBN news ang larawan.

Nakalimutan yata ni PNoy.




May balita rito.

Saturday, February 25, 2012

Palipas-Oras

Lagpas dalawang oras din akong tumambay mag-isa sa isang coffee shop sa Araneta Center, Cubao kanina. Nagpalipas lang ng pagod. Ipinahinga ang mga paa. Inilapat nang buong kapanatagan ang mga likod sa sandalan ng upuan. Relax lang habang iginagala ang isipan.

-000000-
Sabado ang araw ko sa buong linggo para sa sarili. Kanina, sinolo ko ang araw. Maghapon akong palakad-lakad lang sa Maynila. Dinaanan ko ang pinanggalingan kong unibersidad sa Sta. Mesa. Binagtas ko ang Recto. Binaybay ko ang Divisoria. Wala lang. Paglalakad ang sagot ko sa magulong isipan. Nakasanayan ko na ito. Isang therapy para sa akin. Sa tuwing naglalakad ako sa malalaking lansangan at minamasdan ang mga taong nadaraanan, nauunawaan kong mas malaki ang mundo kaysa sa anumang mga problema. Na hindi pala naka-sentro sa akin ang buhay. Na hindi lang ako ang sawi sa ibabaw ng lupa. Iba't ibang anyo ng kasawian ang nagsusumigaw sa harapan ko. At mas mahina na ang sigaw ng sariling kasawian. Mas maliit na ito sa hilera ng higit na malalaking problema. Unti-unti, naglalaho ang mga dahilan para ngumawa.

-000000-
Isang mabisang paraan daw para tapusin ang takot o sakit ng damdamin ay ang komprontahin ito nang harap-harapan.

Kaya nga sinubukan ko. Tinext kita at inayang makipagkita. Kahit alam kong kasama mo siya.  

Matapos ang lahat ng pag-iwas. Ng pagkakaila sa sarili. Ng hindi pag-amin. Ngayon kita haharapin. Bakit ba, e hindi mo naman alam kung ano ang nararamdaman ko. Kung ano ang nagtatago sa mga mata ko habang tinitingnan ko kayo noong mga oras na iyon. Habang may pagkailang ako sa mundo niyo. Bakit ba, e hindi mo naman alam.

Pero noong umalis kayo. Nang iwan niyo ako. Dinama ko rin ang sarili ko. Wala. Empty. Ang akala ko'y masasaktan ako. Akala ko'y maghihinanakit ako. O magagalit. O maaawa sa sarili. Pero wala. And yet I know that I was not okay.


This is alarming.

 -000000-
Bakit ba ganito rito sa Cubao? Parang may kung anong kabalintunaan. Dito lang sa pwesto ko, kay iingay ng mga katabi ko. Tawanan nang tawanan. Totoo bang masasaya sila? 

Parang iba ang mukhang ipinakikita ng Cubao. Pusturang-pustura ang lugar, pero narito ang pinakamaraming sugat sa lipunan. 

Narito ang mga pinakamalulungkot na nilalang. Ang mga pinakabigo. Ang mga pinakasawi. 


Alam ko yun. Dahil naroon ako.


(Yay! Emotero!)

-000000-


"Do you know why you are afraid when you are alone? I do... I do..." - Vincent Grey


000000-

Saturday, February 11, 2012

Sa Aking "Chronicle"

Marami rin siguro ang naka-relate kay Andrew. Siya na madalas ay mag-isa. Walang kaibigan. Ni hindi pa kailanman nagkaron ng karelasyon o makakatuwang sa buhay. Karaniwang napagkakaisahan---sa unibersidad kung saan siya napagti-tripan ng mga bully ng kampus at maging sa sariling tahanan kung saan pang-araw-araw na sitwasyon na ng buhay niya ang mabulyawan at mabugbog ng sariling ama. Paano ngayon mabubuo sa sarili niya ang tiwala? Kung mismong ang natatangi niyang kakampi, ang kanyang ina, ay may sakit na kanser at mas mahina pa sa kanya. Kung mismong siya ay wala ring lakas para maipagtanggol kahit na ang sarili.

Hindi siya masisisi kung isang araw, matatagpuan natin siya na bumubuo ng sariling mundo. Isang mundong susubukan niyang angkinin gamit ang isang video cam. Na siyang magiging katuwang niya sa mga panahon ng pag-iisa, tagapag-tala ng mga kalungkutan at pangarap sa buhay. Na isang araw ay siya ring magiging saksi kung paano niya mas makikilala ang natatangi niyang kalakasan. Sa araw na iyon kung kailan natuklasan niya, kasama ang isang pinsan at isang accidental friend, ang isang malalim na butas. Dito niya matutuklasan ang naiibang kapangyarihan. Sa pamamagitan nito ay matutuklasan niya ang ligayang dulot ng pakikipagkapwa. Matapos nito ay mabubuo niya ang tiwala sa sarili. Matapos nito ay mawawasak rin niya ang sarili. Sapagkat hindi pa rin pala niya kilala ang sarili. Dito natin mapapatunayan na ang lakas ng katawan at isipan ay hindi mabubuo kung walang lakas ng damdamin o ng emosyon.

Ang kwento ni Andrew ay kwento ko rin, na maaaring kwento mo rin. Kaya't ilang minuto nang tapos ang pelikula ay nakatulala pa rin ako sa sinehan. Habang naglalabasan na ang mga tao ay nakaupo pa rin ako. Nag-iisip. Ganito rin ba ang magiging katapusan ko? Paano nga ba ako matatapos?

Chronicle

_________
Chronicle. A film by Josh Trank and story by Josh Trank and Max Landis. Starring Dane BeHaan (Andrew), Michael B. Jordan (Steve, ang accidental friend), and Alex Russel (Matt, ang pinsan).

Tuesday, January 24, 2012

Paghihintay

Tiyaga lang. Dahil...

nangyayari ang bawat bagay ayon sa sarili nitong kahandaan.

Dito galing ang larawan.

Monday, January 23, 2012

Sa Tamang Panahon

May kung anong hapdi ang dulot ng dampi ng hangin kagabi. Pero sigurado akong hindi iyon tungkol sa iyo. Kahit pa alam kong sa kabilang panig, sa parehong mga oras, ay masaya ka sa piling niya. Pinakawalan na kita. O mas tamang sabihing, hindi na ako lumaban pa. Isinuko ko na ang pag-asa.

Kahit noong mismong gabi na masinsinan tayong nag-usap, habang sinusundan ng mga mata natin ang mga gumagalaw na ulap sa maitim na langit. Kahit noon, alam kong bibitiw na ako sa iyo. Bagama't hindi pa handa ang sistema ko. Kaya matapos nun, hindi ko kinilala ang sakit. Kaya nga hindi ako nagsulat o nakapagsulat ng tungkol sa kwentong iyon sa loob ng ilang linggo. Kahit ngayon, hindi ko pa rin kaya. Pilit kong isinasa-isantabi ang damdamin, walang-humpay man itong nagpapapansin. Inaayawan ko. Ibinabaling ang isipin sa iba. Dahil ayaw kong bigyang-puwang.

Binitiwan na kita. Tama na.

Kaya nga kagabi, habang binubuklat-buklat ko ang mga pahina ng binabasang aklat. Napansin ko ang mga salitang inialay sa akin ng may-akda.

"Huwag matakot mahati. Naroon ang pagkabuo."
  
Kung may pagkakataon, gusto kong sabihin: Hindi lang po ako hati. Pira-piraso ako. At hindi pa ako handang mamulot ng bawat butil para simulan ang muling pagbuo. Tititigan ko muna ang mga pirasong nabasag.

Hanggang sa dumating ang araw.

Saka na ang pagsisinop ng bawat bahaging nagkalat.

Saturday, January 21, 2012

My Winnings





These are my prizes for winning second prize in the Si Tatang Christmas Promo, which happened last December 2011. I already have a copy of "Si Tatang", a collection of Sir Ricky's literary works. So, I think I will have to share this book to someone.

"Pitik-bulag sa Buwan ng Pebrero" is Sir Ricky's first published play. There is no copy of this book in the market today. I'm so lucky to have it!

If you would like to know the answers for the excerpts in the contest, just click here.

Samantala, ako ay magbabasa muna...

Saturday, January 14, 2012

Friday, January 6, 2012

Wagi!

I won second prize in the Tatang Ricky Lee's Christmas promo game.


Congrats sa akin! Hehe. May chance na akong makitang muli si Tatang. At sana, hindi na ako ma-struck this time. Gusto kong makipagkwentuhan.


Wednesday, January 4, 2012

Sulong

Dito galing ang larawan.


Lilipas din ang lahat. Maging ang pinakamasaklap na sandali. At walang bagay na hindi nakakasanayan. Kahit pa mga paulit-ulit na pagdaramdam.

Manhid.


Sunday, January 1, 2012

Kontes: Tatang Christmas Promo Game

Sir Ricky Lee
Marami sa atin ang nakakikilala kay Ricky Lee bilang pangunahing tao sa likod ng mga kwentong isinusulat para sa mga programa sa telebisyon at iba pang mga pampelikulang organisasyon. Siya ang utak sa likod ng natatanging mga pelikula tulad ng Anak (2000), Moral (1982), at Muro-Ami (1999). Siya rin ang screenwriter ng Himala (1982), ang kinilalang "Best Asian Film of All Time" ng CNN noong 2008.

Nitong huling bahagi ng Nobyembre, inilunsad niya ang kanyang ikalawang nobela (ang una ay ang Para Kay B at Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin), ang Si Amapola sa 65 na Kabanata. Kasunod ng release nito, isang promo ang inilunsad para sa mga masugid niyang mambabasa---ang Tatang Christmas Promo. Ayon sa mechanics, magbibigay ang mga organizer ng mga excerpt galing sa iba't ibang akda ni Tatang Ricky Lee. Kailangan namang tukuyin kung saang akda nagmula ang mga excerpt. Inilabas ang mga excerpt sa mga araw mula December 15 hanggang 27, 2011. Ang premyo?

  •  Special edition ng Si Tatang at Mga Himala ng Ating Panahon at Pitik Bulag sa Buwan ng Pebrero
  • Limited edition Tatang shirts, mugs, at Amapola65 perfume
  • Tsansang makita si Ricky Lee in flesh
May mga consolation prizes din!

Narito ang mga excerpt na kailangang tukuyin ang pinagmulan. 13 out of 15 ang natukoy ko. Ang dalawa, hinulaan ko lang. Alas-12 ng tanghali ng January 2, 2012 ang simula ng pasahan ng entri na matatapos naman ng alas-12 ng tanghali kinabukasan.

Excerpt #1
"Dahil hindi mo puwedeng mahalin ang isang tao nang hindi mo minamahal ang hilaga, silangan, timog at kanluran ng kanyang mga paniniwala. Kapag nagmahal ka’y dapat mong tanggapin bawat letra ng kanyang birth certificate. Kasama na doon ang kanyang libag, utot at bad breath. Pero me limit. Pantay-pantay ang ibinibigay na karapatan sa lahat ng tao upang lumigaya, o masaktan, o magpakagago, pero kapag sumara na ang mga pinto, nawasak na ang mga puso, nawala ang mga kaluluwa at ang bilang ay umabot na sa zero, goodbye na."

Excerpt #2
"Hindi naituturo ang pagsusulat. Buhay ang gagawa noon."

Excerpt #3
MONICA: Let's change the topic na.
CYNTHIA: Anong let's change the topic na? (ilalabas ang ulo sa kotse at sisigaw). Suso! Suso! Suso kayo riyan!

Excerpt #4
JOEY: (Inieksamin ang briefs) Malalaman mo daw ang personality ng lalaki pag tiningnan mo ang briefs niya.
MAGGIE: Kalokohan.
JOEY: Oo. Pag gusto daw ng lalaki’y briefs na masikip na masikip, ibig sabihi’y insecure siya. Pag gusto naman niya’y maluwang, ibig sabihi’y tamad. Pag gusto daw lahat ay iisang kulay, lalo na kung puti, ‘yung mga ‘yan, ang hinahanap ay babaing birhen. (hahagikhik) Pero faithful naman. Ang di faithful ay ‘yung mga briefs na technicolor.

Excerpt #5
"Walang himala. ang himala ay nasa puso nating lahat!"

Excerpt #6
"Kanina pa kami rumarampa, walang lumalapit. Hindi yata araw ngayon ng mga pekpek"

Excerpt #7
"Simple lang naman ang hinihingi ko. Kung hindi mo ‘ko marespeto bilang asawa, rspetuhin mo naman ako bilang kaibigan. Kung hindi naman, respetuhin mo ‘ko bilang tao."

Excerpt #8
"I did not kill anybody!"

Excerpt #9
"Dahil totoo ang sabi nila, ang great love mo, hindi mo makakatuluyan. Ang makakatuluyan mo ay ang correct love."

Excerpt #10
"Dahil totoong ang pag-ibig ay maraming dalang trahedya, at ang umiibig ay dapat na inililigtas sa sarili, pero kung walang pag-ibig, ano na ang buhay?"

Excerpt #11
"Edad lang ni Glenda ang katorse sa kanya. Ang iba—itsura niya, pananalita niya, tingin niya sa buhay—ay tumanda na. Kung tumatanda ang kaluluwa’y kasama na rin siguro iyon."

Excerpt #12
"Kinuha ni Belinda sa kanyang silid ang kanyang maleta’t pamuli silang nakipaghabulan sa kanilang mga anino, habang ang mga daga’t butil ng karimlan ay nagkakaingay na sa paghabol sa kanila, at ang kanyang ulong muli na namang binabalikwasan ng sinat nito’t sakit ay nag-uumikot na sa pagkahilo’t halos mapadukmo sa napakabigat na aklat-kasaysayang dala-dala niya. Huwag kang lilingon, h’wag kang lilingon, ulit-ulit niyang usal sa sarili sapagkat alam niya sa pinakakaibuturan ng kanyang yanig na dibdib kung ano ang makikita’t maririnig sa dinaraanang silid at pasilyo: mga daing at sigaw-pasaklolo ng mga alilang babaing nilulunod lamang ng pag-ingit ng kama; mga hikbi ng kanyang Tita Dencia na di malauna’y magiging sigaw ng panunumbat. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, at ang mga larawan at tinig na iniiwan ng kanyang tumatakas na kamalayan ay napakarami’t nagkalat na sa pasilyo sa dilim, nagsambulat at nangakataas-bisig at nagpupumilit makaabot-hawak maging sa laylayan man lamang ng kanyang pantalon: isang gulanit na kurbata sa lupa, sillyang umuugoy sa harap ng buwa, bukol sa pigi ng kanyang lolo, ripleng duguan sa hagdan, bibig ng isang gurong wala nang tinig ay patuloy pa rin sa kabubuka-kasasara. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, hingal niyang usal habang sumasapot na sa kanyang parang isang kagubatan ng bango ang samyo ng bangkay ng kanyang lolo at kasabay sa pagtuntong niya sa unang baitang ng hagdang bato ay narinig niya ang malamig na tinig, alanganing nanggaling sa kanyang sariling dibdib (nasaklot niya tuloy ang dalang aklat), o nanggaling sa kanyang likuran; humihibik na tinig, nagsusumamo, nagsasabing saan ka pupunta, iho, alam mong di ka makakaalis kailanman, di tayo maaaring magkahiwalay sapagkat tayo’y iisa; at kasabay sa paghigop niya ng paghinga’y napagtanto niyang walang saysay ang lahat, ang pagsilang niya’y siya rin niyang pagbulusok pakulong sa kanyang nakalipas; at lumingon siya, sandali lang, sapagkat pagod na siya sa kung anumang laro o labanan o ritwal itong kinasuungan niya nang siya’y isilang, nakanganga pa ang bibig na lumingon; at huli na nang tangkain niyang kumapit sa bisig ng napasigaw na si Belinda, nawalan na ng panimbang sa hangin ang kaliwang paa niyang nadulas sa natuntungang riple (dugo ba iyon?) sa baitang ng hagdan, at kasabay sa pagbulusok niyang pahulog, ngatal pa rin ang mga kamay na ayaw kumawala sa yakap-yakap na aklat, ay narinig niya, sa kaunaunahang pagkakataon, ang musika ng kasaysayang hinabi ng kanyang lolo."

Excerpt #13
"Arya!"

Excerpt #14
"Nasa buong katawan ko na ang mapa ng kaputahan sa buong Pilipinas. Ang suso ko, Ermita. Ang puke ko, Quezon Ave. Ang kilikili ko, Balic-Balic. Ang batok ko, Baclaran. Ang mga singit ko, iyon, iyon ang madidilim na sulok ng Quiapo. Lahat na yata ng bagay pumasok dito sa katawan ko. Ang iba hindi na lumabas. Kung sa hindi ko paggalaw ay titigil ang lahat, hindi na ako titinag…"

Excerpt #15
"Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang mga sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hind kainin para lang makapagpadala ako ng malaking pera dito. Sana habang nakahiga ka diyan sa kutson mo natutulog, maisip mo rin kung ilang taon kong tiniis ang matulog mag-isa habang nangungulila ako sa yakap ng mga mahal ko."