Sunday, September 3, 2006

Bagabag at Pag-asa

Sakto ala-una kwarenta y siete ng madaling araw. Pagsilip ko kanina sa langit, nakita kong half-moon ang buwan - madilaw ang kulay at napakagandang pagmasdan. Totoong nabibighani ako sa buwan - ito ay bukod sa dahilang may espesyal na kahulugan ito sa akin dahil sa isang minamahal. Mainit ngayon. Pero, kataka-takang mahimbing ang tulog nitong dalawang tao sa tabi ko. Nakakaramdam na rin ng antok ang mga mata ko, pero hindi ang isip ko; malikot pa rin ito at andaming sinasabi. Palagay ko, sasamahan ko ngayon ang buwan sa pagpupuyat.

Nitong mga nakaraang araw, sinusubukan kong ituwid ang mga maling kasanayan na nakintal sa sarili ko ng ilang taon na rin. Kailangan nang umpisahan ang pagbabago. Pero, sabi nga ni Andrew Matthews, ang lahat ng sinserong pagbabago ay palaging sinusubok. Araw-araw nga sinusubok ako at araw-araw rin akong bumibigay. Ang nakakatawa, araw-araw ko ring sinasabing "pangako! bukas, hindi na!" Gayunman, araw-araw man akong magkamali, ayos lang. Tuluy-tuloy lang hanggang mapagwagian ko ito.

Madalas naiisip ko, ang hirap 'pag sarili mo ang tumutuos sa iyo; hahantong ka talaga sa isiping sarili mo lang at wala nang iba pa ang pinakamatinik mong kalaban. At ganun talaga. Tayo lang kasi ang higit na nakakakilala sa mga sarili natin. Kasi kung iisipin, parang di gaanong malakas ang dating kapag ibang tao ang magsabi sa'yo ng mga kahunghangan mo; pero kung ikaw na ang magsabi niyan sa sarili mo, iba na yun - ibang laban na. Lalo kung kahit isa, wala kang ginawa para magbago at kumilos ayon sa itinuturo ng mga realisasyon mo.

Wala akong pinagsisisihan sa mga nangyari sa buhay ko. Kapag bumabalik sa alaala ko ang mga kamaliang nagawa ko noon, madalas natatawa ako, tapos nangingiwi, tapos naiiling - dun, dun na pumapasok ang panghihinayang. Pero never akong nagsisi. Kasi sa lahat-lahat ng mga nangyari sa akin parati kong naiisip kung ano pala ang dapat na ginawa ko. In short, may natutuhan ako. Marami.

Minsan na rin akong naging makasarili - nakapanakit ng mga kaibigan para pagbigyan ang hilig ng puso ko. Pero, tapos na. Nag-sorry na ako isa-isa sa mga taong nasaktan ko. Araw-araw, kumakatok ang pagbabago. Araw-araw ko rin siyang pinatutuloy. Pero, kung tatanungin ako kung anong gusto kong baguin sa nakaraan ko, capitalized na WALA AKONG BABAGUHIN ang isasagot ko. Kasi, kung ano ang pananaw at paninindigan, lungkot at sayang meron ako ngayon; kung ano ang baon-baon kong mga pangarap araw-araw; kung ano ang ako na kilala ng lahat ngayon...lahat yun ay dahil sa mga katalinuhan at kabobohang pinairal ko noon at pinaiiral ko ngayon.

Siguro, ang pinakamalaking gapos na umagaw ng kalayaan ko ay ang mga kasinungalingang parati kong tinatangkilik tungkol sa akin. Idagdag pa ang isipin na matagal rin akong kumapit sa isang pag-asang sa kabiguan din pala hahantong. Pero, tulad ng sinabi ko, hindi ako nagsisisi. Masaya ako. Yun ang totoo. Kung may mga panahong naluluha ako dahil sa kabiguan na yun, siguro dahil hindi lang ako nasanay na hindi na nakakapit sa pag-asang matagal kong pinanatili sa puso ko. Nakakatakot ang mga isipin pagkatapos ng isang kabiguan. Nakabitin ka palagi sa tanong kung ano ang mga susunod na magaganap. Pero, hindi ko dapat duon itinutuon ang isip ko. At sa ganitong pananaw ko parating naaamoy ang pagbangon mula sa isang pagkakadapa.

Wednesday, June 28, 2006

Para sa Isang Nawalang Kaibigan

Napanaginipan kita kaninang madaling-araw. Magkausap raw tayo. Ang saya ng pakiramdam ko dun sa panaginip ko na yon. Ang laki-laki ng mga ngiti ko. Ganun din ang nakita ko sa'yo. Naisip ko tuloy na  na-miss mo rin ako. Matagal-tagal na rin kasi tayong hindi nagkikita. Ilang taon na nga ba?... Tuwang-tuwa ako sa pagkukwento sa'yo. Dire-diretso lang ako sa pagsasalita habang nakikinig ka. Tawa ka nang tawa sa mga sinasabi ko; tawa rin ako nang tawa sa mga reaksyon mo. Para kang mauubusan ng hininga. Sinabi mo sa akin na naninibago ka; na parang hindi ako ang kaharap mo. Oo nga naman, naisip ko. Dahil bago tayo nagkahiwalay, kimi ang tingin mo sa akin-- tahimik lang at parang naghuhukay ang isip. Katulad mo. Hindi mo siguro akalain na magiging ganito ako kakulit ngayon. Ngumiti ako. Sinubukan ko pa ulit magbiro: "Siguro, kasi hindi na ako alien sa sarili ko." Hindi ka natawa. Naisip kong ang corny ko. Nangiti ka na rin maya-maya. Pero tumitig ka sa akin na parang naghihintay ka ng dagdag na sasabihin ko.
Natahimik tayo. Nagpapakiramdaman. Maya-maya pa, tubigan na ang mga mata ko. Natagpuan na lang kitang nakaupo sa likuran ko. Sumandal ka sa likod ko; sumandal din ako sa'yo. Tahimik lang tayo; nakatingin sa malayo. May kakaibang kapayapaan akong naramdaman. Ang sarap. Parang langit. Ganun sana ang gusto ko sa isang kaibigan. Yun bang pwede kayong matulala, humalakhak, at lumuha sa harap ng bawat isa nang walang nagpipilit mag-usisa ng mga nararamdaman ninyo. May respeto. May laya. Masarap. Masaya.
Nagising ako nang nakangiti. Matagal bago ako bumangon. Iniisip ko kasi na hindi naman talaga tayo naging malapit sa isa't isa. Bakit ikaw ang kasama ko sa ganung sitwasyon sa panaginip ko? Dahil siguro noon pa man, meron ka nang pitak sa puso ko. Hanga ako sa'yo e. Magaling ka kasi. Sayang, naligaw ako ng landas. Naligaw ka rin 'ata. Nagkahiwalay tayo kaagad.
oOo----------oOo
Dinalaw ko ang friendster profile mo kanina. Ang saya-saya ng mga ngiti mo sa mga pictures mo. Naalala ko tuloy nung una tayong magkita. Sa loob ng opisina ng isang publication sa PUP, di ba? Nag-aaplay ako nun para maging staff writer nung diyaryo. Iba ang itsura mo nun sa itsura mo ngayon. Saya!


Magandang Umaga, Pilipinas

Naliligo ako kaninang umaga nang marinig ko sa radyo na magkakaron daw ng 125 pesos increase sa sahod ng mga manggagawa, across the board! Wow! Magandang balita! 

Pero, peste! Nakuryente ako! Dahil nakakainis ang sumunod na sinabi nung announcer. Magkakaron nga ng increase pero October pa raw, ayos lang sana, pero installment! (Ano raw?) Installment - ibig sabihin hindi buo, hahati-hatiin ang 125 pesos; hulugan - parang bumbay! Ayon sa balita, 45 pesos muna raw ang itataas ngayong October; tapos yung susunod na 40 pesos sa October ng susunod na taon na; at ang huling 40 pesos, hulaan mo kung kailan...tama ka, sa October ng 2008 pa! At ito pa, hindi pa sigurado kung tuloy ito dahil sa kongreso pa lang raw ito pumapasa, usad pagong pa rin yan pagdating sa senado.

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis sa balitang iyon, pero sigurado akong dismayado ako sa mga mambabatas natin. Yun na ba ang pinakamatinong maiisip nila? Sa pagkakatanda ko, first year college pa lang ako (taong 2001) humihirit na ang mga manggagawa ng 125 pesos na umento sa sahod.

Isipin mo na lang kung ilang beses nang nagtaas ang presyo ng langis, pamasahe, kuryente, tubig, at iba pang bilihin mula nung taong 2001, pero ang sahod, pinag-iisipan pa rin ng gobyerno hanggang ngayon kung itataas nila. Sa loob kaya ng tatlong taong panahon para taasan ng 125 pesos ‘kuno’ ang mga manggagawa, hindi ba muling magtataas ang langis, ang pamasahe, at mga pangunahing bilihin? Ano ang mararating ng isang beses bawat taon na pagtataas ng sahod laban sa araw-araw na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng tao.

At isa pa, imbes na ikubli nila ang masamang balita sa pagsasabing tataas ng 125 pesos ang sahod pero installment, bakit ba hindi na lang nila sinabing magkakaron ng 45 pesos na dagdag sahod ng mga manggagawa ngayong October? Hindi yung magbibigay sila ng magandang balita, pero may kabig na masama sa huli. Nagmimistula lang silang mga cast ng Going Bulilit!
oOo----------oOo

Ayon sa isang tala, nag-propose ang pamahalaang Arroyo nuong nakaraang taon na magkaroon ng 1.053 trilyong budget para sa taong kasalukuyan. Malaking halaga ito, pero hindi mo dapat isipin na magagamit ang malaking porsyento nito para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga Pilipino. Dahil lagpas kalahati ng badyet ang mapupunta sa pagbabayad ng utang ng bansa.

Sa ngayon, nasa 3.6 trilyong piso na ang kabuuang utang ng Pilipinas. Ibig sabihin, tayong mga Pilipino, kasama pa pati ang mga magiging anak-anak natin, ay may utang na lampas 45 libong piso bawat isa! At huwag mong isipin na hindi mo binabalikat ang halagang ito dahil lang sa alam mong wala kang 45 libong piso sa bulsa. Dahil araw-araw, kinukuha ang pambayad nito sa bawat bagay na binibili mo sa pamamagitan ng Expanded Value Added Tax. Kataka-taka pa ba ngayon kung bakit kailangang magtaas ng presyo ng bilihin sa halos araw-araw? Huwag din nating kaligtaan na ang utang ng bansa ay hindi naman talaga piso, kundi dolyar. At sa araw-araw na pagbaba ng piso at pagtaas ng dolyar, araw-araw ring lumulobo ang
utang ng Pilipinas. Ano ang dahilan? Ang makulit na Floating Exchange Rate. Bukod pa riyan ang tubo ng utang na patuloy na tumataas! Kaya’t ang katotohanan, malaking bahagi ng utang ng Pilipinas ay hindi naman talaga natin nahawakan at napakinabangan.

Ang natitirang ilang porsyento ng badyet ay hindi pa rin dapat asahan na mapupunta sa pagpapabuti ng kalagayan ng buhay, dahil malaking bahagi sa naiwang budget ay mapupunta naman sa militarisasyon imbes na ibahagi sa pondo ng edukasyon o social works. Sa ganyan ba dapat matuwa ang mga Pilipino?

Nuong taong 2004, hindi nagkakalayo ang kalagayan ng bansang Pilipinas at ng Argentina. Pero, hindi kasinduwag ng pamahalaang Arroyo ang pamahalaan ng president nilang si President Nestor Kirchner. Bakit? Dahil gumawa ng sariling polisiya ang Argentina sa paraan ng kanilang pagbabayad ng utang, kaiba sa itinakda ng IMF-World Bank. Hindi gusto ng IMF-World Bank ang polisiyang ito pero pinagmatigasan ng Argentina ang kanilang desisyon kasehodang kalabanin nila ang pitong mayayamang bansa na nagmamay-ari ng malaking porsyento ng pera ng pangmundong bangko. Sapagkat ayon sa kanilang presidente, kung susundin nila ang polisiya ng bangko, mamamatay na lang sa gutom ang mamamayan ng bansa nila, at iyon ang hindi raw niya maaaring payagan. Ang tanong: kailan kaya makagagawa ng katulad na desisyon ang pamahalaan natin? Kailan makatitindig ang bansa para sa ikabubuti ng kalagayan ng kanyang mamayan?
oOo----------oOo
Kasabay ng pagbulusok ng ekonomiya ng bansa ang patuloy na pagbaba ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino. Nakapanlulumong isiping sa panahon ngayon, maraming mga Pilipino ang naghihintay na lang ng kamatayan kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman. Isipin mo pang bumubulusok rin ang antas ng edukasyon ng mga Pilipino. Hindi na sapat para sumabay sa napakabilis na sistema ng globalisasyon.


Lumilipad ang isip ko habang isinusulat ko ito. Iba-ibang sakit ng bayan ang naiisip ko. Mahirap, madugo, at masakit talagang mag-isip ng solusyon sa problema ng bayan. Naabuso nang maigi ang People’s Power, at minamani na lang ni Ate Glo ang tangkang pabagsakin siya sa pwesto.

Masakit mang isipin, pero ang katotohanan, marami-rami rin ang hindi na nag-iisip ng pangkalahatang solusyon sa problema. Sari-sariling lakad na, maiwan na ang mabagal maglakad. Huh! Survival of the fittest.

Saan na ba patungo ang mga Pilipino? 

Sunday, March 26, 2006

Puwang

humahanap ako ng puwang
habang nakapiring ang mata
at may bulak ang tenga
habang manhid ang pandama
at mapait ang panlasa

sa gitna ng malawak na dagat
sa hibla ng mga ulap sa alapaap
sa pagitan ng mga damo sa parang
sa hapdi at init ng araw

nang sa gayo’y humulagpos sa lubid ng pagdurusa
at makipagtalik sa ritmo ng ligaya

subalit wala pa ring maapuhap…
maging patak ng tubig sa dagat,
o kapirasong hamog ng mga ulap,
ni talulot ng rosas sa parang,
at baga sa ningas ng araw

tuloy nananabik sa pagyakap
ng paglayang pinapangarap
ng katotohanang inaapuhap
ng pagmamahal at paglingap

at bukas, sa muli kong pagbangon…
patuloy pa rin sa sa paghanap
bagamat isip ay sawa na
at kahit puso ay pagod pa.
patuloy pa rin…
araw-araw…
gabi-gabi…
bawat oras…
bawat minuto…
habang paghinga’y tuloy pa

‘pagkat para saan nga ba ang mga pagsisikap,
kundi sa walang humpay na pagtuklas ng kalalagyan
at ng natatanging puwang.