Wednesday, December 26, 2007

Bertdey

Pagkatapos ng Pasko ang bertdey ko. Nung bata ako, ang "handa" laging advanced -- Dec. 25 ng madaling-araw, kasabay ng Pasko. Daw. Ewan kung totoo yun, o pampalubag-loob lang sa 'kin para masabing may handa 'pag birthday ko. Anu't ano man, hindi ko na rin naman na napansin yun dahil sa mga ganong panahon laging maraming pagkain... saka, hindi ko rin hilig ang handaan kahit nung bata ako... saka, maraming masasaya tuwing Disyembre para mapansin pang may isang nagsasaya dahil kaarawan niya (tsing!)... saka, ano bang masaya 'pag bertdey? (tsk!)

May isa akong kaibigang naghahanda parati 'pag bertdey niya, at istriktong sa mismong date ng kaarawan niya. Nung nag-invite siya, weekday yun kaya kinumbinse ko siyang gawin na lang sa weekend ang celebration, para maka-attend ang mas marami sa mga nagmamahal niyang kaibigan. Ayaw niya. Ang sa kanya, kaya nga birthday. (Okay...) Sabi naman ng isang "alagad ng Diyos" na kumatok sa bahay namin dati, hindi raw kaarawan ang dapat na ipinagdiriwang kundi ang kamatayan at ang silbi ng buhay sa iba. Tama siya. Pero naisip ko lang yung mga teleserye sa TV (na dati tumatagal ng tatlo hanggang apat na taon) na sa buong panahon ng kwento, tadtad ng hinagpis ang nararanasan ng bida --- sa bandang hulihan na lang sumasaya --- sa bandang hulihan, kung kelan 30 minuto lang, wakas na. Ganun ba ang buhay?

Kung ano ang meron pag bertdey e yun siguro yung parang espesyal ka sa lahat. (O baka yun lang ang tingin mo sa sarili mo?) Pero pano kung kabaligtaran nun ang nararamdaman mo? Sabi, pagpapasalamat din yun dahil isang taon pa ang nakalipas na ibiniyaya sa iyo ng Panginoon. Para sa mga taong nakakalimutang magpasalamat na sa bawat araw e may milagro pa, ano ang halaga ng pagpapasalamat isang beses sa isang taon? Siguro, eengot-engot na naman ako para hindi lubos na maunawaan yung isang simpleng konseptong ipinagdiriwang ng maraming tao sa mundo, noon pa man (o baka yun din mismo ang tinatalikuran ko?) Uhm, baka balang-araw, maintindihan ko rin ang konseptong yan.

Kung merong nasa isip ako ngayon, yun ay ang mga bagay na natutuhan ko sa nakaraang taon. Pero sa susunod ko na lang siguro sasabihin yun, kasabay ng listahan ng mga plano at new year's resolution ko.

Singit lang 'to. Mahaba na ang mga nasabi ko at naalala ko nang may dapat akong tapusing uwing trabaho. Magpapasalamat na lang ako sa mga nakaalala sa akin nung araw na yun. Pasensya na, hindi ako nagreply sa mga bumati. Alam niyo na kung bakit. Dito na lang, special mention kayo...
'te bea. heidi. cez. elinorsk. abby. berto. zey. lizel. angela. tavernsk. m' ochie. marcos. marlon. 'te angel. yayi.

SALAMAT NANG MARAMI! May premyo kayo sa akin --- ang hinahangad ng lahat (ewan ko ba!) ---- TESTI! Hehe! Jokes. (*-*)

Thursday, July 26, 2007

Allergy

Nangangati ang buong katawan ko ngayon. Allergy. Tinubuan ako ng maliliit at malalaking pantal sa balat.  Pati ang mata ko ay nadamay. Para tuloy akong nakagat ng mga ipis. Nakakabwisit, kasi parang wala sa balat yung kati. Dun yata sa loob. Kaya kahit anong kamot ang gawin ko, parang walang epekto. Gago pa ako, kasi sa kabila ng nararamdaman ko, nag-i-imagine pa ako ng kung anu-ano. Halimbawa, naisip ko ang sarili ko sa isang lugar na siksikan at punung-puno ng tao habang umaatake ang kati sa likod, binti, at kamay ko. Shit! Lalo tuloy akong naiirita sa kalagayan ko.

Kanina nga habang nasa sasakyan papasok sa trabaho, iritang-irita na yata yung katabi ko sa jeep dahil sa kalikutan ko. Buti na lang nasa dulo ako, sa bandang likod ng driver. Nagsumiksik na lang tuloy ako sa sulok para hindi gaanong istorbo, at sinubukang tiisin ang kati tulad ng payo sa akin ng nanay ko. Pero, linsyak! Sumakay pala ako sa jeep nang walang baryang pamasahe!Nag-excuse muna ako sa katabi ko bago ko hinugot ang coin purse ko sa bulsa. Binilang ko ang laman: P 6.50. Tsk, tsk! Lagot! Tatanggap kaya si manong ng 'sanlibo nang ganon kaaga? Yun lang ang perang meron sa pitaka ko. Kumapa ulit ako sa bulsa ko, baka 'ka ko meron pang ibang barya. Meron akong nahugot: dalawang balat ng HALLS. Naisip ko, pwede na kaya yun? Baka lang 'ka ko umubra kay manong yung patalastas. (*smile) Hindi tuloy ako napalagay.

Habang nasa jeep, naalala ko rin yung kaibigan ko na iritang-irita kahapon dahil sa masamang panahon at pag-i-strike ng mga tsuper ng jeep sa lugar nila. Malas, sabi niya. Naiinis siya dahil hindi man lang daw inisip ng mga nagwewelga yung epekto ng strike nila sa katulad niyang 'ordinaryong mamamayan'. Marami siyang litanya -- tingin ko'y puro makasarili. Walang problema, opinyon niya naman iyon.

Pero naisip ko, naabala lang kasi siya nang sobra at inalala ang sarili niya. Sa tingin ko kasi, walang kaso kung may nagwewelga -- kahit anong pagra-rally pa yan. Kasi, ibig sabihin lang nun, meron pa ring freedom of expression...kaysa naman wala, di ba? Tulad noong nangyari nang magbaba si GMA ng Proclamation 1017. 

Marami ang tulad ng kaibigan ko. Ayaw sa rally. Itinuturo silang dahilan ng mabagal na pag-usad ng kabuhayan sa bansa. Eyesore sa mga investor. Tagapagdala ng kaguluhan. Sagabal sa kapayapaan. Contibutor sa kahirapan. Ang hindi lang natin nakikita, na ang kaguluhan sa bansa, ang kawalan ng kapayapaan, ang mabagal na pag-usad ng kabuhayan, at ang kahirapan ay ilan lamang sa mga dahilan ng kanilang pagtungo sa lansangan para mangalampag ng kinauukulan. Maraming mag-iisip na abala lang ang ginagawa nila sa mga gawain natin. Pero, sila lang din ang nag-aabala para ipaglaban ang karapatan nating mabuhay nang malaya at matiwasay sa sarili nating bansa. Sila yung nakakakita ng mga problema ng bayan pero hindi mauupo lang at magngingitngit sa sistemang nagpapahirap sa mga mamamayan; kundi hahawak ng plakard, banner, at sisigaw sa mga langsangan para ipagtanggol ang karapatan natin at hindi lang ng sa kanila, kasehodang mabatuta at mabomba ng tubig ng bombero o tortyurin ng mga pulis at militar kapag nahuhuli. Kapag may rally ang mga tsuper, stranded ang mga commuters, siguradong mali-late tayo sa trabaho at syempre kaltas sa sahod; pero gasino ba ang ilang minuto o oras pang mababawas sa sahod natin kumpara sa isang buong araw na kitang mawawala sa kanila para mangalampag upang aksyunan ang problemang nagpapahirap sa ating lahat?.....Naisip ko, siguro ang pinakamalaking problema ay ang kawalan natin ng  pakialam sa mga nangyayari sa bansa. Don't get me wrong. Hindi ko sinasabing mag-rally ka rin. Malalaki na naman na tayo at may tamang pag-iisip na para malaman kung ano ang maiaambag nating mabuti para ibsan ang may sakit nating bayan.

Sa puntong yun ko naisip na hindi pa pala ako nagbabayad. Kinausap ko yung driver at mapagpakumbabang tinanong kung may papalit ba siya sa 'sanlibo kahit alam kong wala. Nagmukha akong tanga sa tanong na yun. Sinabi kong siks-pipti lang kasi ang barya ko. Sabi niya: "estudyante? pwede na yan." Hindi ako nagsalita dahil ayaw kong magsinungaling. Pero inabot ko pa rin yung siks pipti at itinago yung dalawang balat ng HALLS ko sa kamay, panghanda lang kung sakaling kailangan niya ng pandagdag. Hehe. Loko ako. Narito akong sumusuporta sa hinaing ng mga tsuper, pero ako pa pala ang unang...uhm...manlalamang? Nagpasalamat ako sa driver bago ako bumaba.


Makati pa rin ang mga pantal ko. Minsan pakiramdam ko, parang mahirap huminga. Sabi nila, huwag ko raw kamutin para hindi lumala. Pero, di ko mapigil ang sarili ko. Naiisip ko ngayon, allergy rin ang sakit ng bansa. Maraming kati. Hindi lahat, gustong kumamot dahil baka raw lumala. Sana, meron na lang mag-alok ng gamot....


...sa akin kasi marami, at totoong nagpapasalamat ako sa kanila.

Saturday, June 23, 2007

Sugal

Hindi ko alam kung dapat ko bang ikatuwa ang distansya natin sa isa’t isa.

Kung iisipin kasi, andyan ka lang. Nakakausap ko. Nakakasama ko. Minsan, pakiramdam ko, higit pa sa akala ko ang ugnayan natin — isang pangarap na kay tagal ko nang inaasam, na halos hindi ko malaman kung natupad ko ba, o matutupad pa. Masyado kang malapit na halos hindi na kita makita; malapit ka pero hindi ko maramdaman ang pintig ng iyong pulso, o marinig ang tibok ng iyong puso — basta, malapit ka lang.

Masarap bang maglaro nang walang ipinupusta?

Friday, June 15, 2007

Sa Kwarto Natin

(Galing dito ang larawan.)

madilim sa kwarto natin.
at di ko maiwasang titigan ang himbing mong mukha.
na bahagyang iniilawan ng liwanag sa siwang ng bintana.
… di ko maiwasang titigan ang iyong mukha at lumuha.
‘pagkat mamaya
sa bukang-liwayway ng aking buhay
ika’y lilisan upang tahakin ang normal na daloy
ng sarili mong buhay

mapangarapin tayo sa kwarto natin.
Sa kwartong nagpaubaya
upang ako’y maging iyo
at ika’y maging akin
Sa kwartong tumawa sa tuwi nating pagtawa
nakinig sa mga tagpong madrama
ngumiti sa bawat nating ligaya
At lumuha, lumuha sa bawat hagupit at pagdurusa

…marahil nakikiluha rin siya ngayon, tulad ko’y
nabubulaga’t sumusuko

‘pagkat hanggang ngayo’y madilim
pa rin sa kwarto natin
dahil ayaw mong magbukas ng ilaw at baka may makakita
takot ka sa liwanag ‘pagkat isang liwanag lang ang iyong tinatanaw

at mamaya, kung himbing ako sa ating higaan
sana’y gisingin mo ako bago ka lumisan.

Monday, May 21, 2007

Alagwa

“…magiging sinungaling ako kung di ko aamining hiniling kong sana maging pareho ang nararamdaman natin; na sana maging tayo. Pero sa sitwasyon natin at sa estado ng pakiramdam mo sa akin, mukhang wala ngang patutunguhan at hanggang dun na lang talaga…pero mahirap turuan ang pusong bumitaw kahit makailang ulit ko nang sinubukan…Subalit talagang darating ang araw, na ang manipis na pising nagdudugtung sa iyo at sa akin ay mapipigtas; lalayo ka sa akin na tulad ng isang umalagwang saranggola. At ako, ako na nagmahal sa iyo nang tapat, ako na kumapit hanggang sa huling himulmol ng pising nakapagitan sa ‘ting dalawa, ay maiiwan… luhaang nakatanaw.”
- Mula sa “Palipad-hangin” ni Almaden Geronimo Manansala

Friday, March 23, 2007

Yero

Kung ilalarawan ko ang pakiramdam ko ngayon, maihahalintulad ko ito sa maaaring pakiramdam ng isang yerong pinupunit. Yung pagkatapos na mapunit, alam mong mawawala na ang orihinal na pakinabang — nawawalan ng saysay.

Yerong kinalawang na. Yerong minumura pag tag-ulan subalit nakapagdudulot pa rin ng lilim kung tag-araw. Kung tag-ulan at kung tag-araw. At ngayon, kailangan nang punitin… para sa ano? Para magkaron pa ng ibang pakinabang. Pakinabang na pwedeng hindi naman niya talaga gusto…wala lang siyang pagpipilian.

Kagabi, pinunit niya ang puso ko…
…pinunit niya, subalit hindi niya nalalaman.

Friday, February 23, 2007

Kumplikado

Balisa ang isip ko ngayon. Ramdam ko sa bawat tibok ng puso ko yung kaba.
Kagabi pa ako ganito. Ang totoo, hindi nga ako nakatulog nang maayos. Pagdating ko sa bahay, hindi ako makausap. Nagkukwento ako oo, pero hindi nagtatagal e bumabalik din ako agad sa pagkatulala. Nakatutok ako sa telebisyon pero tila tumatagos sa mga gumagalaw na tauhan ang paningin ko. Walang kahulugang rumerehistro sa isip ko mula sa mga binabanggit ng mga tauhan. Para bang ugong lang ang lahat.

Nagpasya na lang akong mahiga na sa kwarto. Dasal ako nang dasal, una na sana pagbigyan Niya yung hiling ko; pero nang ma-realize kong mas may tamang hiling, idinasal ko na lang na sana paglahuin Niya ang pag-asa na namumuo sa isip ko… na pakiramdam ko, habang tumatagal, lalong lumalaki; palaki nang palaki hanggang sa tila ba mas malaki na ito kaysa sa mga imahe ng matagal ko nang mga pangarap — na unti-unti nagiging mga takot. Bakit ba ang buhay, puno ng pag-asa at pangangarap? at mga takot?

Paulit-ulit, inusal kong sana maglaho ang pag-asa kong iyon. Nagmakaawa ako, nagsumamo. Hindi ako makatulog. Tumitig ako sa kisame. Itinuon ang paningin sa kapirasong bahagi ng isang mas malaki sanang mundo. Kung hindi ako makatulog, sana’y lumabas na lang ako ng kwarto at nakipagkwentuhan sa mga kapatid ko. Pero pinili kong mag-isa at magpakalunod sa kaiisip sa isang bagay na umpisa pa lang ay hindi naman para sa akin. Mas pinili kong maging miserable sa pagitan ng apat na dingding ng mundo kong parisukat. Kahon.

Unti-unti, humapdi ang mga mata ko. Pumatak ang mga luhang kanina ko pa tinitimpi. Nagsasalita ang isip ko. Bakit ba ako nawala sa isip niya? Anong nagawa kong mali? Bakit hindi naging patas? Saan na ako ngayon patungo? Bakit may matang tumititig at matang tumitingin? Ano ang basehan ng kanyang pasya?

… wala akong makuhang sagot.

Naisip ko, kakausapin ko siya bukas. Pero, nagsalita na ng mga gustong sabihin ang isip ko. At hindi na naman ako mapayapa. Para bang ayaw na niyang maghintay ng bukas. Ngayon na! Ngayon mo na sabihin! Pero walang paraan. Alangan namang puntahan ko siya sa bahay nila. Magtataka siya. Pero yun nga ang gusto kong maisip niya, ang isipin niya kung ano ang iniisip ko.

Buntung-hininga. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagpakawala ng malalalim na hugot ng hangin. Sinipat ko ang oras sa cellphone ko. 11:00 pm ang nakarehistro. At iyon ang huli kong naalala nang magising ako dahil sa ingay sa tabi ko. Iminulat ko ang mga mata ko. Nasa tabi ko na ang dalawa ko pang mga kapatid. At kung dangang nag-iingay. Gusto ko magalit sa kanila dahil ginising nila ang natutulog kong isip para muli na namang mag-isip… at hindi mapayapa. Pero hindi nila iyon maiintindihan. Kaya nagtimpi ako. Sinipat kong muli ang oras sa cellphone ko: 12:05AM.

Nagreplay ang lahat ng mga naisip ko bago ako nakatulog kanina. At pakiramdam ko, sumisikip ang isip ko. Parang hindi kasya ang mga laman gayong paulit-ulit lang naman ang sinasabi. Kailangan ko ng kausap; ng mapagsasabihan ng mga iniisip ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nagtext.

Hndi ako mk2log. Iniisip ko p rin ung knina. 


Hindi ako umasa ng reply. Tulog na siya.

Namaluktot ako sa pagkakahiga. Muling nagsalita ang isip ko – nakipag-usap sa isang taong hindi ko naman kasama. Malala. Pakiramdam ko, mababaliw ako. Nasa dibdib ko yung masidhing pagnanais na mailabas lahat ng nasa isip ko. At hindi na ako makapaghintay. Hindi kataka-takang naubos ang buong magdamag sa kaiisip ko sa bagay na yun. Kung may isang bagay akong gustong matutuhan, yun ay kung paano mabuhay sa kasalukuyan.

Bumangon ako ng alas-singko y medya. Kakaiba sa karaniwan. At pagtuntong ng paa ko sa lansangan, hindi naiba ang mundo. Para pa rin akong nakakahon sa apat na ding-ding ng aming kwarto.

Patapos na ang araw, pero hanggang ngayon balisa pa rin ang isip ko. Hindi ko alam kung kailan matatapos. O desisyon ko kung kailan tatapusin. Pero hinihiling ko pa rin na sana maganap. Pero sana mawala na sa isip ko ang pag-asa.

Paano ba mabuhay sa kasalukuyan?

Monday, February 12, 2007

Harmony and Unity

Kapag marami kang hiling, maraming mga pagkakataon ding maa-upset ka dahil sa di pagkatupad ng mga hiling mo. Kapag marami kang inaasahan, kasing dami rin nun at higit na malaki sa mga iyon ang mga sama ng loob na mamumuo sa dibdib mo kapag hindi nangyari ang mga expectations mo.

Nature na ng tao ang humiling at umasa. At kakambal parati nun ang pagkabigo at malaking sama ng loob, kung hindi man saya kung nagkakaron ito ng mga katuparan. Kaya nagtataka ako kay Maria sa Eleven Minutes ni Paulo Coelho. Si Maria kasi hindi umaasa. Para sa kanya, wala siyang pag-aari kaya walang mawawala sa kanya anuman ang mangyari. Itinigil na niya ang paghiling dahil dito kasi para saan pa nga ba e kung wala naman talagang masasabing “kanya”. Kung gusto mong malaman ang kwento ni Maria, basahin mo siya. Di ko ikukwento. Asa ka pa.

Gusto ko lang sabihin na masakit ang umasa. Sa totoo lang, pangit. Pero parating nagkakapuwang sa isip ko ang konseptong yan. Alam ko may risk na masaktan. At madalas nga masakit. Pero paulit-ulit ko pa ring ginagawa. Katangahan daw ang tawag pag ganun. Pero bahagi na ng sistema ng tao yan. Sino ba’ng di umaasa, bukod sa fictional character na si Maria?

Pero sa experience ko kasi, naisip ko lang, ang mga pinakamasarap na pakiramdam ay sumibol mula sa mga pangyayaring hindi ko naman inasahan. You know what i mean? Yun bang hindi bahagi ng plano pero nangyari. Yung parang ibang kamay ang may gawa, at di ang sarili mong pagpaplano. Yun bang lahat ng mga bagay ay nangyayari dahil napagkasunduan ng langit, ng lupa, ng hangin, at ng lahat ng bagay at tao sa paligid…. Yun bang, parang may harmony at unity. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, naniniwala pa rin ako sa destiny. Kasi kahit gaano ka-perpekto ang mga iniisip, pinaplano, inaasahan, at hinihiling mo, madalas meron pa ring sabit. Hindi nangyayari ang perpektong senaryong inaasahan.

Sinasabi ko ito ngayon kasi may isa na namang expectation ko ang nabigo. Tangna talaga! Naalala ko tuloy noong mga panahong yung mga bagay ay nangyayari lang nang ni sa hinagap ay di ko inisip na magaganap. Ang sarap ng pakiramdam. Parang yung maiisip mo kapag tumingin ka sa isang malinis na batis — na yung tubig nito, dumadaloy nang malaya. Pakiramdam ko noon, nangyayari rin ang lahat nang malaya… Parang ang lahat nagpaubaya para mangyari ang mga iyon. Magic! Hindi ko alam kung sino ang may sabi nun, pero naalala ko lang ngayon dahil pareho ang tinutumbok ng mga sinasabi namin. Sabi niya, pag ang dalawang tao ay nagmahalan, lahat ng energy sa paligid nagtutulong-tulong para matupad ang mga layunin nila… ganun nga.

… yun yung mga panahong hindi kailangan ng hiling…

Gusto ko na ulit matutuhang hindi umasa…

Wednesday, January 17, 2007

Pana-panahon

Mapaglaro talaga ang pagkakataon ‘no?

Madalas naiisip ko, bakit ba naman kasi hindi pa kayo maghiwalay, hindi yung magkarelasyon nga kayo pero hindi naman nag-wo-work out. Tuwing dinadalaw mo kasi ako, parati ka na lang may kwentong hinanakit dyan sa jowa mo. Maglilitanya ka ng mga sama ng loob mo. Pero kakabigan mo rin ng mga personality disorders mong madalas sanhi ng mga di niyo pagkakasunduan.

Kapag hindi ka na lumalago sa isang relasyon, ano pa nga ba ang dahilan para patuloy na kumapit? Yung pag-ibig? Pag-ibig na nagpapabansot sa’yo at pumipigil sa iyong paglaki? Pag-ibig na hanggang sa ngayon di mo nauunawaan? Bakit ba hindi mo palayain ang sarili mo? Bakit hindi mo rin siya palayain?

Hindi ako sa napapagod sa pakikinig sa’yo. Naiisip ko lang kasi, iniyakan kita noon. Umiiyak ka dahil sa kanya ngayon. Masyadong sensitibo ang damdamin mo. Pero alam mo para sa akin, isa ka pa ring manhid.

Saturday, January 13, 2007

Hold On




sa tuwing makulimlim ang langit at masama ang panahon; 
sa tuwing malamig ang hangin at mahapdi ang dampi sa iyong balat; 
sa tuwing tinutuos ka ng sarili mo… 
luluwag ang pagkahawak. 
rurupok ang kapitan. 
susubukin ang iyong lakas. 
walang masama kung magiging mahina. 
lumuha ka kung kailangan… 
lumuha ka kung nararapat… Kapit lang. 
Mahaba pa ang biyahe!