Ako, sa Isang Talinghaga





Binuo kita sa isip ko. Simple, matalino, mabait, kimi pero masayahin…at mahiwaga — yan ang inisip kong ikaw…Hinulma kita. Hinubog at hindi inilabas hanggang hindi nagiging perpekto. Dahil ang gusto ko’y magustuhan ka ng ibang tao; at hindi ako nabigo. Nagustuhan ka nga nila, ‘pagkat ikaw ay ako, at tayo’y iisa.

Binuhay kita nang maraming taon sa isip ko. Inaruga. Minahal. Hindi ko akalaing isang araw, mula sa isang karaniwang panahon, makikilala kita – hindi sa isip ko kundi sa labas nito. Namangha ako nang mamasdan ko ang kagandahan mo – simple, matalino, mabait, kimi pero masayahin…at mahiwaga. Nagustuhan kita. ‘Pagka’t ikaw ay ako, at tayo’y iisa.

Inilapit ko ang sarili ko sa’yo – nagpakilala, nakipag-kaibigan. Pero, hindi ko sinabi ang pag-ibig na namumuo sa dibdib ko. Natakot ako na baka tanggihan mo. Baka ayawan mo. Baka pagtawanan mo. Gaya ng mga taong tumanggi sa akin, umayaw sa akin, at tumawa sa akin. Natakot akong tanggihan, ayawan, at pagtawanan ako ng sarili ko. Kasi di ba, ikaw ay ako, at tayo’y iisa?

Kinausap ko ang Diyos. Sinabi Niyang huwag akong matakot dahil sadya ka Niyang ibinigay sa akin. Natuwa ako, pero dama ko pa rin ang alinlangan. Hanggang nakipagsapalaran na nga ako. Inibig kita. At isang gabi, sa ilalim ng maliwanag na buwan, habang patuloy na nag-iingay ang mga kuliglig, idinampi ko ang mga labi ko sa mga labi mo. Hindi ka tumutol. Tumugon ka. Sa isip ko’y iniibig mo rin ako. At yun ang pinaniwalaan ko. Noong gabing iyon, naramdaman kong ikaw nga ay ako, at tayo’y iisa.

Sa gayo’y naging mas malapit pa tayo. Tahimik – walang ingay. Nakilala kita. Nakilala mo ako. Pero, hindi lubos. Ang gusto ko’y lubos tayong magkakilala. Kaya’t nagpakilala ako sa iyo – SA IYO LANG. Itinaon ko iyon sa paglubog ng araw sa Manila Bay. Umasa akong magpapakilala ka rin nang lubos upang tanggalin natin ang hiwaga sa ating pagitan. Matapos ang paghahawi ng hiwaga ay muli kong idinampi ang labi ko sa mga labi mo. Hindi ka tumutol. Tumugon ka. Sa isip ko’y iniibig mo nga ako. At yun ang itinatak ko sa isip ko. Noong hapong iyon, napatunayan kong ikaw nga ay ako, at tayo’y iisa.

Lumubog ang araw. Nilamon ng dilim ang paligid. Kasabay nito, kumalas ka mula sa mainit nating halikan. Nagtaka ako. Tinitigan kita sa mga mata. Walang laman ang mga titig mo sa akin. Saka ko napansin na madilim na ang mukha mo at tanging mata mo na lamang ang naaaninag ko. Madilim – kasing dilim ng paligid sa paglubog ng araw. Hindi na kita halos makilala. Ni hindi ko na masigurong ikaw pa nga ang nasa harap ko. Blangko pa rin ang mukha mo. Wala akong maapuhap kaunti mang pakiramdam. Hindi na pagtataka ang nararamdaman ko sa mga panahon na iyon. Takot — takot na tila mawawala ka na akin; takot sa pakiramdam na tila tatanggihan mo na ako, na aayawan mo na ako, at pagtatawanan mo na ako. Tulad ng ginawa ng iba sa akin. Unti-unti kang naglaho na parang hinuhugot ka ng dilim. Nawala ang iyong kamay na parati mong ipinahahawak sa akin. Nawala ang iyong dibdib na parati mong ipinapakinig sa akin ang kabog. Nawala ang iyong katawan na parati mong ipinayayakap sa akin. Nawala ang iba pang bahagi ng iyong katawan hanggang sa natira na lamang ang mata at labi mong hindi ko pa rin masigurado kung ikaw ba talaga ang nagma-may-ari. Natakot akong pati ang mga ito'y maglaho. Kaya’t hinalikan kita agad. Tahimik ka lang; wala kang tugon. Pinagtakhan ko ang pag-ibig mo sa akin at inalala ang pag-ibig na itinatak ko sa isip ko. Itinanong ko sa sarili ko: ikaw ba ay ako pa? Tayo ba’y iisa pa?

At tumanggi ka na nga. At umayaw ka na nga. At tumawa ka na nga – hindi, hindi ka pala tumawa, humalakhak ka, halakhak na masakit sa tenga pero higit sa lahat, masakit sa puso. Wala akong nagawa. Akala ko’y tanggap mo ang pagpapakilala ko sa’yo. Bakit ka tumanggi? Bakit ka umayaw? Bakit ka humalakhak matapos kong magpakilala? Sana’y hindi ko na lang iyon ginawa dahil bigla ka yatang nahiyang makipaghalikan sa ilalim ng malamlam na buwan, habang tayo’y nasa Manila Bay. Sana nga hindi na lang. Iniisip ko pa rin: ikaw ba’y ako pa? Tayo ba’y iisa pa?

Magkadampi ang ating labi’y madilim pa rin ang paligid. Pinagtakhan ko rin ang patuloy na kadiliman. Bakit hindi pa rin sumisikat ang araw gayong kanina pa ito lumubog? Bakit ang tagal-tagal ng dilim gayong napakabilis ng liwanag? Bakit? Maraming bakit pero walang tiyak na sagot. Itinatanong ko pa rin: ikaw ba’y ako pa? Tayo ba’y iisa pa?

Bakit? Dahil siguro hindi ko pa naiintindihan ang sarili ko’y iniisip ko nang intindihin ka. Pero, hindi ba’t ikaw ay ako? Kung maiintindihan ba kita’y maiintindihan ko na rin ang sarili ko?

Bakit? Dahil siguro kalabisang isiping ikaw ay ako, at tayo’y iisa. Ikaw marahil ay ikaw at ako marahil ay ako. Walang dalawang iisa sa mundo dahil ang isa at dalawa ay tunay namang magkaiba. Kailangan kong pumili.

Bakit? Dahil marahil maling tanggapin na ikaw ay totoo. Binuhay lang kita sa isip ko. Isa ka lang ilusyon. Pinilit lang kitang ilabas sa isipan ko. Wala ka. Hindi ka tunay. Walang ikaw. Walang tayo. Ang mayroon lang ay ako.

Marahil panahon na para pasikatin ang araw. Kakalas na ako sa ating halikan upang patayin ang katotohanan mo sa aking isipan. Nang sa gayo’y makita ko namang ako ay ako, at wala nang iba.