Saturday, February 25, 2012

Palipas-Oras

Lagpas dalawang oras din akong tumambay mag-isa sa isang coffee shop sa Araneta Center, Cubao kanina. Nagpalipas lang ng pagod. Ipinahinga ang mga paa. Inilapat nang buong kapanatagan ang mga likod sa sandalan ng upuan. Relax lang habang iginagala ang isipan.

-000000-
Sabado ang araw ko sa buong linggo para sa sarili. Kanina, sinolo ko ang araw. Maghapon akong palakad-lakad lang sa Maynila. Dinaanan ko ang pinanggalingan kong unibersidad sa Sta. Mesa. Binagtas ko ang Recto. Binaybay ko ang Divisoria. Wala lang. Paglalakad ang sagot ko sa magulong isipan. Nakasanayan ko na ito. Isang therapy para sa akin. Sa tuwing naglalakad ako sa malalaking lansangan at minamasdan ang mga taong nadaraanan, nauunawaan kong mas malaki ang mundo kaysa sa anumang mga problema. Na hindi pala naka-sentro sa akin ang buhay. Na hindi lang ako ang sawi sa ibabaw ng lupa. Iba't ibang anyo ng kasawian ang nagsusumigaw sa harapan ko. At mas mahina na ang sigaw ng sariling kasawian. Mas maliit na ito sa hilera ng higit na malalaking problema. Unti-unti, naglalaho ang mga dahilan para ngumawa.

-000000-
Isang mabisang paraan daw para tapusin ang takot o sakit ng damdamin ay ang komprontahin ito nang harap-harapan.

Kaya nga sinubukan ko. Tinext kita at inayang makipagkita. Kahit alam kong kasama mo siya.  

Matapos ang lahat ng pag-iwas. Ng pagkakaila sa sarili. Ng hindi pag-amin. Ngayon kita haharapin. Bakit ba, e hindi mo naman alam kung ano ang nararamdaman ko. Kung ano ang nagtatago sa mga mata ko habang tinitingnan ko kayo noong mga oras na iyon. Habang may pagkailang ako sa mundo niyo. Bakit ba, e hindi mo naman alam.

Pero noong umalis kayo. Nang iwan niyo ako. Dinama ko rin ang sarili ko. Wala. Empty. Ang akala ko'y masasaktan ako. Akala ko'y maghihinanakit ako. O magagalit. O maaawa sa sarili. Pero wala. And yet I know that I was not okay.


This is alarming.

 -000000-
Bakit ba ganito rito sa Cubao? Parang may kung anong kabalintunaan. Dito lang sa pwesto ko, kay iingay ng mga katabi ko. Tawanan nang tawanan. Totoo bang masasaya sila? 

Parang iba ang mukhang ipinakikita ng Cubao. Pusturang-pustura ang lugar, pero narito ang pinakamaraming sugat sa lipunan. 

Narito ang mga pinakamalulungkot na nilalang. Ang mga pinakabigo. Ang mga pinakasawi. 


Alam ko yun. Dahil naroon ako.


(Yay! Emotero!)

-000000-


"Do you know why you are afraid when you are alone? I do... I do..." - Vincent Grey


000000-

5 comments:

CHRISTIAN said...

PUP? :)

Noli said...

Yup! Taga-PUP ka rin, di ba?

Garpppy Garp said...

"Paglalakad ang sagot ko sa magulong isipan. Nakasanayan ko na ito. Isang therapy para sa akin. Sa tuwing naglalakad ako sa malalaking lansangan at minamasdan ang mga taong nadaraanan, nauunawaan kong mas malaki ang mundo kaysa sa anumang mga problema. Na hindi pala naka-sentro sa akin ang buhay. Na hindi lang ako ang sawi sa ibabaw ng lupa. Iba't ibang anyo ng kasawian ang nagsusumigaw sa harapan ko. At mas mahina na ang sigaw ng sariling kasawian. Mas maliit na ito sa hilera ng higit na malalaking problema. Unti-unti, naglalaho ang mga dahilan para ngumawa"

Maganda pagkakasulat ng mga pangungusap na ito. Nakaka-relate ako sobra. :)

Noli said...

Salamat, Garpppy! :)

Ganyan yata talaga tayong mga emotero. Hehe!

CHRISTIAN said...

@Noli yup. kaya pala napansin kong medyo may pagka socio-pulitikal ang blag na ito...hehehe
batch '09 po ako. :)